Daughters of Saint Paul

Agosto 30, 2016 MARTES Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon / San Pamacio

Bumaba si Jesus sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas: "Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!" Ipinag-utos naman sa kanya ni Jesus: "Tumahimik ka at lumabas sa kanya!" Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Pagtataka ang sumalahat at nag-usap-usap sila: "Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!" Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, nakapagtatakang nakikilala ng demonyo kung sino si Jesus – isang palaisipan, pero totoo. Alam ng demonyo kung sino at saan nanggaling si Jesus. Alam din niya na higit na makapangyarihan sa kanya ang Diyos na taglay ni Jesus. Kung kaya't nung ipinag-utos ni Jesus na tumahimik siya at lumabas sa lalaki, wala siyang nagawa kundi ang sumunod. Bagamat sumunod ang demonyo sa sinabi ni Jesus, kailanma'y hindi siya magiging kaibigan ng Diyos. Mananatili siyang kaaway ng Diyos. Mga kapatid, mga anak man tayo ng Diyos, maaari tayong ilayo ng demonyo sa Diyos. Kung nakikilala ng demonyo ang Diyos, higit niya tayong nakikilala lalo na ang ating mga kahinaan. Binabantayan niya tayong mahulog sa kanyang bitag. Kung saan tayo mahina, doon naman tayo ibubulid ng kaaway sa pagkakasala. Kaya mahalagang nakikilala natin ang ating sarili, lalo na ang ating mga kahinaan – nang mabantayan natin ang tusong pagkilos ng demonyo na aakay sa atin sa pagkakasala. Kung alam natin ang ating kahinaan, mas nagiging malapit tayo sa Diyos. Dahil kinikilala natin ang Diyos bilang bukal ng ating lakas at pananggalang sa panahon ng pagsubok at tukso. Ika nga ni San Pablo Apostol, "kung ang Diyos nasa panig natin, sino pa kaya ang magtatagumpay laban sa atin." Panginoon, palakasin Mo po ang aking pananampalataya at panlabang espiritwal, nang mabantayan ko ang mapanlinlang na kilos ng demonyo sa aking buhay. Huwag N'yo pong ipahintulot na mawalay ako Sa'yo. Amen.