Daughters of Saint Paul

Agosto 30, 2017 MIYERKULES sa Ika-21 Linggo ng Taon / San Pamacio

1 Tes 2:9-13 – Slm 139 – Mt 23:27-32

Mt 23:27-32

Sinabi ni Jesus: Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda sa labas pero puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob. Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari at kasamaan ang kalooban. “Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa Mga Propeta at pinapalamutian ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi n’yo: ‘Kung tayo ang nabuhay sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana tayo sumang-ayon na patayin ng mga Propeta.’ Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta. At ngayon, tapusin n’yo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!”

PAGNINILAY

Napapanahon ang panawagan ng Ebanghelyong ating narinig lalo na sa mga taong gumugugol ng katakot-takot na pera at panahon para sa pagpapaganda.  Hindi lang ito kinahuhumalingan ng mga artista, kundi ng lahat ng taong may pera at mahilig magpaganda – babae at lalaki, gay at transgender.  Handang magwaldas kahit magkano, maayos lang ang itsura.  Panlabas na anyo ang mas mahalaga at binibigyang importansya.  Kaya naman, sinamantala ito ng mga negosyante na ang pangunahing produkto at serbisyo ang magpaganda.  Kabi-kabila ang nagsulputang beauty salon – hair at foot spa, derma clinic, cosmetic surgery – liposuction, butt and bust augmentation at marami pang iba.  Taun-taon hindi mabilang ang dami ng pera na inuubos ng tao sa pagpapaganda ng mukha at katawan.  Naniniwala kasi sila na mas nakakalamang ang mga guwapo at maganda sa lipunan.  Sa isang banda, totoo naman. Pero kung kaaya-aya naman ang iyong panlabas na hitsura, pero sobrang sama naman ng iyong pag-uugali – balewala lahat ang angkin mong ganda. Mga kapatid, kung nagagawa nating magpaganda ng panlabas nating anyo, hindi ba’t mas makabubuting sikaping din nating gawing kaakit-akit ang ating kalooban?  Ang panlabas na anyo lumilipas, kukulubot, maaagnas at babalik sa lupa.  Pero ang magandang kalooban dala-dala natin hanggang kamatayan; at hanggang sa pakikipagharap natin sa Diyos.  Hingin natin ang biyayang lumago pa sa panloob na kagandahan nang maging kaayaya tayo sa mata ng Diyos at ng ating kapwa sa kasalukuyan at hanggang kamatayan.