Daughters of Saint Paul

AGOSTO 30, 2019 – BIYERNES SA IKA-21 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MATEO 25:1-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”

PAGNINILAY:

Tunay na walang nakakaalam sa atin kung kelan tayo haharap sa Panginoon.  Kaya nga hindi tayo dapat manghinawa sa pagsunod sa Kanyang kalooban, upang maging handa tayong humarap sa Kanya sa lahat ng oras.  May mga taong katulad ng limang matatalinong abay. Dahil naging bahagi na ng kanilang buhay ang pagtupad sa kalooban ng Diyos, hindi sila nagsasawa sa pagtulong at pagdamay sa nangangailangan sa abot ng kanilang makakaya. Nakasisiya sa kanilang kalooban ang kanilang ginagawa.  Kaya’t dumadaan ang panahon, nang hindi nila namamalayang marami na pala silang naipong “langis” upang patuloy na maging liwanag ang kanilang buhay para sa kapwa. May mga tao rin naman na nagsisikap magpakabuti, pero minsa’y pinanghihinaan ng loob o sumusuko, kapag nakararanas ng mga pagsubok sa kanilang buhay.  Tinatalo sila ng kawalan ng pag-asa sa harap ng mga kabiguan.  Sa kalaunan, napapalayo sila sa Diyos hanggang masayang ang panahon at wala nang pagkakataon upang sila’y magbago at magbalik-loob sa Panginoon.  Mga kapanalig, sa ating pang-araw-araw na buhay paano ba natin inihahanda ang sarili sa ating pakikipagharap sa Panginoon? (Sr. Lines Salazar, fsp)

PANALANGIN:

Panginoon, itulot Mo pong huwag kong sasayangin ang panahon at bawat pagkakataon upang makagawa ng mabuti Sa’yong Ngalan. Nang maging laging handa akong humarap Sa’yo sa katapusan.  Amen.