EBANGHELYO: Mt 16:21-27
Ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng mga guro Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon! Hindi ito pupuwede.” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.” At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus upang sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Marahil malinis ang intensyon ni Pedro noong nasambit niya ang pagpigil sa pagpapakasakit ni Hesus. Ayaw niyang makitang naghihirap ang itinuturing niyang Diyos at kaibigan. Hindi pa niya batid ang lahat ng mangyayari kay Hesus. Para sa kanya lahat ng magaganap ay isang misteryo. Kaya naman, napasambit si Hesus, dumito ka sa aking likuran Satanas! Si Satanas ay kilalang dakilang balakid sa plano at kalooban ng Diyos kaya’t ganito ang paghahambing na nasambit ni Hesus, sa madaling sabi, ang ninanais na ito ni Pedro ay isang balakid! Mga kapatid, pagnilayan natin ang ating pamumuhay, ako ba ay isang balakid? Balakid ba ako sa kabutihan? Balakid ba ako para mapabatid ang katotohanan? Balakid ba ako para madama ang awa, grasya at kapayapaan ng Diyos? Ang totoong lingkod ng Diyos ay hindi balakid, kundi daluyan ng grasya tungo sa adhikain at kaganapan ng dakilang kalooban ng Diyos.