Daughters of Saint Paul

AGOSTO 30, 2021 – LUNES SA IKA–22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 4:16-30

Pagdating ni Jesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang Mabuting Balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” Nagsalita si Jesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’.  Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding tag-gutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.   

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Kayla Ventura ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang pangangaral ni Hesus sa kanyang sariling bayan ay isang oportunidad na sana para sa kanyang mga kababayan na mapakinggan ang salita ng Anak ng Diyos. Pero nanatiling matigas ang kanilang puso at hindi nila siya tinanggap. Kaya sinabi ni Hesus: “Walang propeta ang tinatanggap sa kanyang sariling bayan!” Mga kapatid, ganito din ba ang nangyayari sa atin ngayon? Nagiging manhid at pabaya rin ba tayo sa awa at pagmamahal na binibigay ng Diyos sa atin? Tinuturo sa atin ng simbahan na ang Diyos ay nananahan sa ating mga puso, dahilan sana upang maging bukas tayo sa kanyang mga salita at pangaral. Pero ano nangyayari? Minsan isinasantabi natin Siya at ang kanyang mga utos dahil mahirap, at mas pinipili ang madali. Mga kapatid, nawa’y maging aware tayo sa pananahan ng Panginoon sa ating puso at sa puso ng mga taong ating nakakasalamuha upang makita natin ang kabutihan ng Diyos na kumikilos sa puso ng bawat tao. Amen.