MATEO 25: 1-13
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”
PAGNINILAY:
Sa pagbasa ngayon, si Jesus ang nobyong hinihintay at ang matatalinong abay ang mga taong matiyaga sa paggawa ng mabuti para sa sarili, sa kapwa at sa Diyos sa lahat ng pagkakataon. Aktibo nilang sinusunod ang babala ni Jesus, “Magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.” Madalas, kapag may hinihiling tayo sa Diyos, gusto natiý resulta agad. Madali tayong magtampo kapag nakikita nating mukhang mas maraming biyaya at pagpapala ang iba. Itinuturo sa atin ngayon na kailangang matuto tayong maging matatag at mapagtiis sa anumang pagsubok o problemang dinaranas. May praktikal na aral tayong makukuha sa mga hangal na abay: Una, may mga sitwasyon sa buhay na kailangang matuto tayong tumayo sa sariling mga paa. Bilang mga kristiyano at alagad ni Kristo, hinihiling din na matuto tayong manindigan at ipaglaban ang tama. Ikalawa, huwag maging palaasa. May limitasyon din ang maibibigay ng mga mapagkawanggawa. Gaya sa matatalinong abay, matuto tayong mangalaga, mag-impok at maghanda para sa hinaharap. O, Jesus patnubayan mo kami para patuloy na magkaroon ng sigla, liwanag at lakas habang hinihintay ang katuparan ng iyong mga pangako sa amin, Amen.