Daughters of Saint Paul

AGOSTO 31, 2020 – LUNES SA IKA-22 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 4:16-30

Pagdating ni Jesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kaya’t pinahiran niya ako upang ihatid ang Mabuting Balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya. …  At sinabi nila: “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’.” “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo… Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.   

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Nagalit, tumayo, itinaboy, gustong ihulog sa bangin. Ito ang ekspresyon ng pagkagalit ng mga tao. Too much para sa kanila ang paliwanag ni Jesus. Hindi nila ito kayang tanggapin. Hindi natin sila masisisi. Yan lang ang nakayanan ng pang-unawa nila. Tayo naman, iharap naman natin sa salamin ang ating sarili. Personal nating itanong:”Paano ba ako magalit?” Ano ang number one kung reaksyon? Isa sa unang tala na gusto kong abutin ay ang conviction tulad ni San Pablo, Apostol. Sabi nya, kung magagalit ka, piliin mong hindi ka magkakasala. Kaya sa proseso na ginagawa ko at baka nasisimulan mo na din ito, ito ang pagstick sa pagsusuri ko sa sarili ko. (Gamit ko ang “ako”. Halimbawa, “Na-upset ako dahil hindi ko yata nasabi sa iyong mabuti na kailangang isara ang pinto sa gabi. Naiwan kasing bukas.” Ang pwede nating maiwasang masabi ay ito. “Ang tigas ng ulo mo, hindi mo na naman naisara ang pinto.” Ito rin ang pinagsisikapan ko: ang maging banayad, walang paghuhusga, at matutuhang gumamit ng tamang salita. Maaari kong magawa kapag napalipas ko na ang usok ng galit ko.) Sa ebanghelyo, nakakubli ang good news. Nasa likod ito ng paglalakad ni Jesus sa gitna ng karamihan. Hindi niya tinakbuhan ang galit ng mga tao sa kanya. Kundi, hinarap niya nang walang dahas. Lumakad siya sa kanilang harap. Kung may galit man sa puso niya, agad niyang naipihit ito sa awa. Noon pa man, ipinasinag na niya ang liwanag ng kaligtasan sa gitna ng karahasan.