EBANGHELYO: Lk 4:31-37
Bumaba si Jesus sa Capernaum na isang bayan ng Galilea, kung saan niya nakaugaliang magturo tuwing Araw ng Pahinga. At nagulat ang mga tao sa kanyang aral dahil nagtuturo siya nang may kapangyarihan. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming demonyo, na sumigaw nang malakas. “Ah, ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos!” “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” Pagkatapos ibulagta ng demonyo ang tao sa gitna nila, lumabas ito mula sa kanya nang hindi sinasaktan. Pagtataka ang sumalahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Nakapag-uutos siya sa maruruming espiritu nang may kapangyarihan at lakas, at lumalabas sila!” Kayat kumalat ang usap-usapan tungkol sa kanya sa lahat ng lugar sa kabayanan.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Nimfa Ebora ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Kailan ka huling namangha sa mga gawa ng Panginoon? Kailan mo huling binigyang pansin ang kapangyarihan at bisa ng kanyang mga salita? Kailan mo ginamit at binigkas ang mga Salita ng Diyos upang labanan ang masama? // Ang pagpapalayas ng masamang espiritu ay isa sa maraming himalang ginawa ni Hesus sa panahon ng kanyang public ministry sa Galilea. Ang masasamang espiritung ito ang pinaniwalaang dahilan ng sakit, o kapansanan, o pagkawala sa sariling katinuan, o anti-social behavior ng mga inaalihan nito. Dinudungisan nila ang pagkatao ng kanilang biktima at pinapahirapan sa katawan man o kaluluwa. Ginamit ni Hesus ang kapangyarihan ng kanyang mga salita upang palayain ang taong ginapi ng masamang espiritu. Alinsunod sa misyong galing sa Ama, binigyang ginhawa ni Hesus ang mga nabilanggo sa iba’t ibang uri ng paghihirap. Kinikilala ng masamang Espiritu ang kapangyarihan ni Hesus at ang kabanalan nito. Alam din niya na si Hesus ay nagmula sa Diyos. Hindi niya mahihigitan ang kapangyarihan ni Hesus kaya masunurin niyang nilisan ang taong kanyang pinahihirapan. Ang pagpapalayas sa masamang espiritu at pagpapagaling sa mga may sakit ay pauna lamang sa kaginhawahan at kaligtasang kanyang bibigyang kaganapan sa kanyang pag-aalay ng sarili sa Krus upang ang tao’y di na kailanman magapi pa ng kasalanan at kasamaan.
PANALANGIN
Nananalig po ako Panginoon na makapangyarihan ang iyong mga salita. Iadya mo po kami sa lahat ng masama at ihatid mo kami sa kaginhawahang iyong bigay para sa amin. Amen.