BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa panhuling araw ng Agosto. Pasalamatan natin Siya sa mga kaganapan sa buong buwan, lalo na ang mga biyaya at pagpapalang tinanggap natin mula sa Kanyang kagandahang loob. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Paano mo gustong maalala, pagkatapos ng buhay mo sa mundo? Bago po natin ito sagutin, pakinggan muna natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t apat, talata apatnapu’t dalawa hanggang limampu’t isa.
EBANGHELYO: Mt 24:42-51
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magbantay kayo sapagkat hindi n’yo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin n’yo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay s’ya at hindi pababayaang pasukin ang bahay. Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi n’yo inaasahan darating ang Anak ng Tao. Isipin n’yo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala ng kanyang amo ang sambahayan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan s’ya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi ko sa inyo na ipinagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari. Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: ‘Magtatagal ang aking Panginoon.’ Kaya sinimulan n’yang pagmalupitan ang mga katulong na kasama n’ya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras na di n’ya inaasahan at sa panahong di n’ya alam. Palalayasin n’ya ang katulong na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan at pagngangalit ng ngipin.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Bro. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Noong Disyembre 21, 2012, halos buong gabi akong gising. Takot at nangangamba dahil magugunaw na daw ang mundo. Ito’y mula sa prediksyon ng tribong Maya. Sinasabi ng mga iskolar na ang maraming mga pekeng palatandaan na ito, ay nakaugat sa kagustuhan ng tao na mamuhay pa ng may saysay dito sa mundo. Gayunpaman, anuman ang gawing prediksyon—iisa ang sigurado—ikaw at ako ay may katapusan, mayroong kamatayan. Sa ating Mabuting Balita, sinasabi sa atin ni Hesus na “Stay awake!” Dahil hindi Ninyo nalalaman ang oras ng kanyang muling pagdating. Sa tuwing iniisip ko ang wakas, kamatayan man o muling pagdating ng Diyos, lagi kong tinatanong: Paano mo gustong maalala? Maalala ba ako sa mga maling paniniwala, mararangyang kagamitan, kayamanan, at puspos na kapangyarihan? Mga kapatid, magsikap nawa tayong ipalaganap ang katotohanan, maging inspirasyon at pag-asa sa kapwa, maging mukha ng pag-ibig ni Hesus sa mga nahihirapan at lubos na nangangailangan. Magwakas man ang ating buhay, ang maaalala nawa sa atin ay si Kristo. Magwakas man ang panahon, matibay ang ating paniniwala na tayo’y nakaugat kay Kristo. Amen.