MATEO 14: 1-12
Umabot kay Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga kasambahay: “Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan.” Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi mo siya puwedeng maging asawa.” Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya pero takot siya sa mga tao na kumikilala kay Juan bilang propeta. Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang isang pangako na ibibigay sa kanya ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina: “Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya ng ulo si Juan sa kulungan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina. At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita nila ito kay Jesus.
PAGNINILAY:
Hindi po nagkataon, lang na ang ebanghelyo ngayong kapistahan ni San Juan Maria Vianney, ang patron ng mga pari, ay tungkol sa pagpatay kay San Juan Bautista. Sinabihan ni San Juan si Herodes nang agawin niya ang asawa ng kapatid niyang si Felipe, "Hindi mo siya pwedeng maging asawa." Dahil dito, pinakulong at pinapatay siya ni Herodes. Tulad ni San Juan Bautista, tinatawag ang mga pari na manindigan sa katotohanan, ipahayag at isabuhay ito sa kabila ng panganib sa sariling buhay. Ganito ang nangyari kina Padre Tito Paez, Padre Mark Ventura at Padre Richmond Nilo. Sa pagtulong nila sa mga nangangailangan at inaapi, ipinahayag nila at nagpatotoo sila sa Ebanghelyo ni Kristo. Pero dahil dito, naging target sila ng mga taong ayaw makinig sa katotohanan. At tulad ni Herodes, ipinapatay din sila ng mga taong nasaling sa pagsasabi nila kung ano ang tama at mali. Ganito ang hinaharap ng bawat Kristiyano sa Pilipinas ngayon. Handa ka bang manindigan at mag-alay ng buhay para sa katotohanan? Ipagdasal natin ang lahat ng mga pari upang maging tapat sila sa kanilang pangakong maging mga Kristo sa ating panahon – at sa halimbawa ni San Juan Maria Vianney, magabayan nila ang kawan ng Diyos tungo sa landas ng pag-ibig, kapayapaan, at kaligayahang walang hanggan. Amen.