EBANGHELYO: Lk 12:13-21
Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan: “Guro, sabihin mo nga sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Kaibigan, sino ang nagtalaga sa akin bilang hukom o tagapaghati n’yo? “At sinabi niya sa mga tao: “Mag-ingat kayo at iwasan ang bawat uri ng kasakiman sapagkat magkaroon man ng marami ang tao, hindi sa kanyang mga ari-arian nakasalalay ang kanyang buhay.” At idinagdag ni Jesus ang isang talinhaga: “May isang taong mayaman na maraming tinubo sa kanyang lupain. Kaya nag-isip-isip siya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala man lang akong mapagtipunan ng aking ani.’ At sinabi niya: ‘Ito ang gagawin ko, gigibain ko ang aking mga bodega at magtatayo ako ng mas malalaki; doon ko titipunin ang lahat kong trigo at ang iba pa. At masasabi ko na sa aking sarili: Kaibigan, may marami kang ari-ariang nakalaan para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magsaya.’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos: ‘Hangal! Sa gabi ring ito, babawiin sa iyo ang iyong buhay. Mapapasakanino na ang iyong inihanda?’ Gayon din ang masasabi sa sinumang nag-iimpok ng yaman para sa kanyang sarili at walang tinitubo para sa Diyos.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Tony Atole ng Society of St. Paul, ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Paano ba natin tinitingnan ang kayamanan?Ito ba ang nagiging sentro ng ating buhay, at ang lahat, umiinog dito? O tinitingnan natin ang kayamanan, bilang biyaya na nagmumula sa Diyos, na magagamit natin upang maging daluyan ng pagpapala sa iba, lalo’t higit sa nangangailangan? Meron akong kakilala na naghangad yumaman sa buhay. Araw gabi, nakatutok siya sa kanyang negosyo. Habang lumalago ang kanyang negosyo, nalalayo naman siya sa kanyang pamilya. Hindi na siya nakapagbibigay ng panahon sa asawa at anak. Hindi na siya umuuwi sa tamang oras. Nang marating niya ang tugatog ng buhay, hindi na niya kasama ang pamilya. Dahil naging prioridad niya ang pag-iipon ng yaman, iniwan siya ng kanyang pamilya. Anong sakit at lungkot ang kanyang sinapit! Natamo nga niya ang hinahangad na yaman, pero, nawalan naman siya ng tunay na yaman, ang kanyang pamilya. Mga kapatid, anong silbi ng yaman kung hindi mo naman kasama ang iyong pamilya o masisira ang iyong pamilya dahil dito?
PANALANGIN:
Panginoon, huwag ko nawang ihihilig ang aking puso sa mga makamundong yaman na pansamantala lamang. Bagkus, ituon ang aking pansin sa mga taong minarapat mong aking paglingkuran at mahalin, Amen.
“