EBANGHELYO: Mt 15:1-2, 10-14
Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang ilang Pariseo at mga Guro ng Batas na galing pa sa Jerusalem. At sinabi nila sa kanya: “Bakit nilalabag ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain, Oo nga hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain” Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan at unawain. Hindi ang pumapasok sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao kundi ang lumalabas sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao.” Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi: “Alam mo bang naiskandalo ang mga Pariseo sa sinabi mo? Ganun nga po nangyari” Sumagot si Jesus: “Ang bawat tanim lamang na hindi itinanim ng aking Amang nasa Langit ang nabubunot. Huwag ninyo silang pansinin! Mga bulag na gabay sila. Kapag isang bulag ang umakay sa kapwa –bulag, silang dalawa ang mahuhulog sa hukay.”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Cleric Adrian Agapito ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kilalang-kilala ang mga Pilipino sa pagkakaroon ng mga iba’t iba at kakaibang pamahiin. “Hoy bawal yan… iho dapat ginagawa mo to… ooops oops oops di dapat ganyan” Madalas ganyan ang naririnig natin sa mga nakatatanda. Labag man sa kalooban natin ang sundin sila, pero bilang respeto sa tradisyon at sa kanila, patuloy pa rin natin itong sinusunod./ Sa ating ebanghelyo, may itinuturo sa atin ang ating Panginoon; Si Hesus ang kaganapan ng batas. Tinanong si Hesus ng mga guro ng batas, kung bakit hindi sumusunod ang kanyang mga disipulo sa tradisyon at sa mga batas na kanilang inaatas. Hindi isinasawalang bahala ni Hesus ang batas at tradisyon, kundi, binibigyan niya ito ng kaganapan. Ibig sabihin, itinuturo sa atin ni Hesus na hindi dapat tayo mapako sa batas at maging alipin nito, sa halip, maisapuso natin ito at higitan ang nais nitong gawing kabutihan sa atin./ Mga kapatid, bilang mga Kristiyano, marami tayong mga karanasan na ganito. Madalas naguguluhan pa tayo kung tama nga ba ang sinusunod natin. Lagi nating tandaan na dinadala tayo sa kabutihan ng bawat batas na ating sinusunod. At sa araw na ito, itinuturo sa atin ni Hesus na wag nawa nating limitahan ang kabutihang gusto gawin sa atin ng mga batas, kundi mapanibago nawa tayo nito upang maging mas mabuti at hindi maging magpagpuna sa kamalian ng iba.