Daughters of Saint Paul

AGOSTO 4, 2021 – MIYERKULES SA IKA–18 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 15:21-28

Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw s’ya nang sigaw sa likod natin.” “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!”   “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” “Babae, napakalaki ng iyon pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Analyn Pantojan ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Naranasan mo na bang humingi sa Panginoon pero hindi niya binigay ang iyong kahilingan at panalangin? Hindi ka nag-iisa kapatid!  Marami beses din itong nangyari sa aking buhay. Taong 2015, nung ako ay isang pre-novice, sa aming kumbento sa Lipa, Batangas, pumunta kami sa kamay ni Hesus sa Lucban Quezon para magmisyon. At kasama na doon ang kaunting pasyal at dasal din. Taimtim akong nanalangin sa Panginoon na pagalingin ang aking tatay na may sakit. Na sana makaabot man lamang sya sa aking first profession. Pero hindi po nangyari yun. Namatay sya, a week after I became a novice. Masakit po sa akin, at hindi ko po matanggap nung una. Pero napagtanto ko, na dininig pala ng Panginoon ang aking dasal sa ibang paraan.  Ayaw ng Diyos na makita namin siyang nahihirapan pa. God heals him in a different way. Mga kapatid, may plano ang Diyos sa ating mga panalangin. Kaya matapos tayong magdasal, buong papanalig nating sambitin, “May Your will and not mine, be done, O Lord, Amen.

PANALANGIN

Panginoon nawa’y matularan namin ang pananalig ng ina sa ebanghelyo, na hindi sumukong magmakaawa, alang-alang sa kagalingan ng minamahal na anak. Tunay na ang kanyang pananampalataya ang siyang nagpagaling sa kanyang anak…. pagkalooban Mo po kami ng ganitong pananampalataya, Amen.