BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes minamahal kong kapatid kay Kristo. Ikaapat ngayon ng Agosto, Kapistahan ni Sa Juan Maria Vianey, na isang pari. Minamahal na patron siya ng mga parish priest, dahil sa kanyang kabanalan at buong tiyagang pakikinig sa kumpisal ng mga tao. Hindi man siya ganun katalino habang nag-aaral pa ng teolohiya, pero katangi-tangi ang kanyang tiyaga at kabanalan, kung kaya’t kinalugdan siya ng Diyos. Pasalamatan natin ang Diyos kay San Juan Maria Vianney, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating matutunan ang simpatiya at tiwala sa mga taong nagsisikap mapabuti ang buhay. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labintatlo, talata Limampu’t apat hanggang Limampu’t walo.
EBANGHELYO: Mt 13:54-58
Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero? Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jose, Jaime, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang kanyang mga kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang kanyang ginawang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
PAGNINILAY
Marami tayong nababasa o nababalitaan sa social media na mga inspiring stories tungkol sa mga karaniwang tao, na naging matagumpay sa buhay. Katulad ng janitor na nagtapos ng pagka-abogado; o iyong security guard, na nagtapos ng pagka-guro sa mismong kolehiyong pinagtatrabahuhan niya. Malamang, hindi tayo makapaniwala na ang isang janitor o security guard – matagumpay na makapagtatapos sa kolehiyo, at pagka-abogado pa! Lalo na siguro yung mga kasamahan nila sa trabaho at mga kapitbahay! Normal po ang reaksiyon na ganito, tulad ng narinig natin sa ebanghelyo. Ang nakita ng mga taga-Nazaret – ang background ni Hesus. Hindi nila matanggap, na may kakaibang kakayahan at kapangyarihan si Hesus. Para sa kanila, kilalang-kilala nila kung sino siya, at nagmamagaling lang siya. Mga kapatid, bawat isa sa atin, pinagkalooban ng katangi-tanging galing at kakayahan. Minsan, dahil sa kahirapan o kawalan ng pagkakataon, nananatili itong nakatago. Pero madalas, hindi lumalabas ang ating galing, dahil walang gustong maniwala at magtiwala sa atin. Gaya ng mga kababayan ni Hesus, nagiging bulag sa ating tunay na pagkatao ang mga taong mas malapit sa atin. Nakalulungkot mang isipin pero ito ang katotohanan. Kapatid, sino ang pwede mong i-encourage o i-affirm ngayong araw na ito? Ipakita mo ang simpatiya at tiwala, sa isang nagsisikap na mapabuti ang buhay. Baka iyon lang ang kailangan niya upang lubusang magbago, o magpakita ng natatagong galing.
PANALANGIN
Panginoon, makita ko nawa ang posibilidad o kabutihan na maaaring magawa at makamit ng aking kapwa. Huwag ko sanang ipagkait ang aking tiwala sa kanyang kakayahan. Amen.