Daughters of Saint Paul

Agosto 4, 2024 – Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (B)

Ebanghelyo: JUAN 6, 24 – 35

Napuna ng mga tao na nakatayo sa kabilang ibayo ng lawa na walang bangka noon sa lugar na yon kundi isa lang at hindi sumakay si Hesus sa bangkang ito kasama ang kanyang mga alagad. Ngunit ang ilang malaking bangkang galing Tiberias ay dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng Tinapay, sa pagpapasalamat ng Panginoon.  Kaya Nang mapuna ng mga tao na wala na si Jesus, at ang mga alagad niya sumakay sila sa mga bangka at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. Nang matagpuan nila siya sa kabilang ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Guro, kailan ka pumarito?”  Nagsalita sa kanila si Hesus at sinabi: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hinahanap n’yo ako hindi dahil sa nakita ninyo sa mga tanda kundi dahil sa tinapay na kinain n’yo at kayo ay nangabusog. Magtrabaho kayo, hindi nga para sa pagkaing nasisira kundi para sa pagkaing nananatili at nagbubunga ng buhay na walang hanggang. Ito ang ibibigay ng Anak ng Tao sa inyo, siya nga ang tinatakan ng Diyos Ama. Ano ang matatrabaho namin para maisagawa ang pinagagawa ng Diyos “Ito ang ipinagagawa ng Diyos: “maniwala kayo sa sinugo niya: anong tanda ang magagawa mo upang pagkakita namin ay maniwala kami sa iyo? Ano ba’ng gawa mo? Kumain ng manna sa Ilang ang aming mga ninuno ayon sa nasusulat: Binigyan sila ng tinapay mula sa Langit at kumain sila. “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa Langit; ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa Langit. Ang tinapay ng Diyos ang pumapanaog mula sa Langit at nagbibigay-buhay sa mundo.” Panginoon: “Lagi mong pong ibigay sa amin ang tinapay na ito.” “Ako ang tinapay ng buhay. Hinding-hindi magugutom ang lumalapit sa akin at hindi mauuhaw kailanman ang naniniwala sa akin.”

Pagninilay:

Isa sa mga hindi ko malimutang karanasan noong pastoral exposure year namin

ang mamuno sa “Bibliyarasal” (Bibliya Aral at Dasal) sa Basic Ecclesial Community o (BEC). Tuwing Sabado ng hapon, kasama ang iba’t ibang miyembro ng mga church organizations, pumupunta kami sa isang lugar upang pagnilayan ang Mabuting Balita sa darating na linggo. Maliban sa masaya akong mamuno para sa aming BEC, excited ako palagi sapagkat bago pa man kami magnilay, naaamoy at nakikita ko na ang pagkain sa mesa. Samakatuwid, alam ko na ang pagkain namin pagkatapos ng aming BEC. Hanggang sa mga sumunod namin na pagninilay, pagkain ang naging motibasyon ko kung bakit gustung-gusto kong sumama sa BEC. Kung tatanungin ako noon kung sasama pa ako sa aming BEC? Oo, sasama ako basta may pakain. Mga kapatid, ano nga ba ang intention natin kung bakit tayo sumusunod sa ating Panginoong Hesukristo? Para ba mas mapalalim natin ang relasyon sa kanya, o paralang mabusog ang ating pisikal na pangangatawan? Kung papasok tayo sa eksena ng ebanghelyo ngayon, at tayo ang mga taong sinabihan ng ating Panginoong Hesukristo: “Sinasabi ko sa inyo: hinahanap ninyo ako hindi dahil sa mga kababalaghan nakitaninyo, kundi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog,” malamang hindi tayo mag- aaksaya ng panahon kay Hesus. Kaya naman maiintindihan natin ang sinabi ni Hesus. Sumusunod lang tayo sa kanya, sapagkat may nakukuha tayo sa kanya na panandalian. Ang isang malalim na relasyon ang gustong ibigay sa atin ng ating Paginoong Hesukristo. Ito ang dahilan kung bakit iniwanan niya tayo ng Eukaristiya upang matanggap natin siya; hindi lang spiritwal kundi literal na nakakasama natin ang ating Panginooong Hesukristo. Mga kapatid, sa tuwing lumalapit tayo sa ating Panginoong Hesukristo, huwag lang sana puro hiling ang gawin natin. Ang mas mahalaga ay palalimin natin ang ating relasyon kay Hesus sapagkat sa kanya lamang natin matatagpuan ang tunay na ligaya.