Daughters of Saint Paul

Agosto 5, 2016 BIYERNES Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon Pagtatalaga ng Basilika ni Maria sa Roma

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay."

PAGNINILAY

Sa ating pagninilay sa araw na ito, napakagandang bigyang-pansin ang sinabi ng Panginoong Jesus sa mga alagad: "Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Napapanahon ang tanong na ito ng Panginoon. Lalo na sa mundo natin ngayon na maraming tao ang handang gawin ang lahat para sa kanilang ambisyon, kahit ikapapahamak ng kanilang kaluluwa. Labis ang pagpapahalaga ng tao sa katanyagan, kapangyarihan, at salapi dahil sa pag-aakalang sa mga ito matatagpuan ang kaligayahan. Oo, nakapagdudulot ang mga ito ng kasiyahan, pero pansamantala lamang! Katawan lamang ang pinagiginhawa, pero hindi naman nagdadala ng tunay na kapanatagan ng loob at isip. Mga kapatid, tanging sa Panginoong Jesus natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Bagamat ang pagsunod sa Kanya'y may kaakibat na pagdurusa. Ito ang nais Niyang ipahiwatig sa mga alagad nang sabihin Niyang kailangan Niyang magdusa't mamatay, pero bubuhayin Siya sa ikatlong araw. Kailangang talikuran ng isang alagad ang kanyang sarili para sa kaligtasan ng iba. Hindi tumatakas sa paghihirap, sa halip, tinatanggap ito nang may pagtitiwalang hindi siya pababayaan ng Panginoon. Buhay na walang hanggan ang naghihintay sa isang tapat na alagad – isang gantimpalang hindi maipagpapalit sa anumang bagay dito sa mundo. Panginoon, tulungan Mo po akong ituon ang aking panahon at mga pagsisikap sa pagkamit ng buhay na walang hanggan. Pakabanalin Mo po, ang pagpasan ng aking krus, Amen.