Daughters of Saint Paul

AGOSTO 5, 2019 LUNES SA IKA-18 LINGGO NG TAON Pagtatalaga sa Basilika ng Mahal na Birheng Maria sa Roma

 

EBANGHELYO: Mt 14:13-21

Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila: “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” Sinabi niya: “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-pira—labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.

 

PAGNINILAY:

Mga kapatid, kung susuriin natin ang ating pang-araw-araw na pamumuhay, masasabi natin na talaga namang labis-labis ang kabutihan at pagpapala ng Diyos.  Hindi Siya nagkukulang sa pangangalaga sa atin.  Ibinibigay Niya ang pangangailangan ng ating katawan at kaluluwa.  Katulad ng ginawa Niya sa mga taong naghintay sa Kanya sa ilang.  Binusog Niya silang lahat sa tinapay at isda, at may natira pa. Binusog din Niya ang kanilang mga kaluluwa sa Kanyang mga Salitang nagbubunga ng kapanatagan ng loob at kaligtasan.  Pero madalas hindi natin ito nakikita.  Dahil nakatuon ang ating pansin sa kung ano ang kulang sa ating buhay.  Nasasalamin ito sa sinabi ng mga alagad sa Ebanghelyo na “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.”  Ito ang madalas nating saloobin, parang laging kapos ang ibinibigay ng Diyos sa atin na Kanyang mga anak.  Kaya’t hindi tayo makuntento at marami pa tayong hinahanap sa ating buhay.  Hindi natin nakikita at nabibigyan ng halaga ang mga biyayang dumarating sa atin.  Kaya marahil sa ating mga panalangin, hingi tayo ng hingi ng mga bagay na kung pag-iisipang mabuti, hindi naman talaga kailangan upang mabuhay tayo nang marangal at panatag.  

 

PANALANGIN:

Panginoon, turuan Mo po akong mamuhay sa pasasalamat sa pamamagitan ng pagtulong sa mga nangangailangan sa abot ng aking makakaya. Amen.