Daughters of Saint Paul

AGOSTO 5, 2023 – SABADO NG IKA-17 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON |   Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan ng Mahal na Birheng Maria sa Roma

BAGONG UMAGA

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo.  Ikalima ngayon ng Agosto, ginugunita natin ang Pagtatalaga ng Basilika ni Maria sa Roma.  Itinayo ni Papa Liberio ang basilikang ito, sa pagitan ng taong Tatlong Daan Limampu’t Dalawa at Tatlong Daan Animnapu’t Anim (352 – 366), sa panahon ng heretikong si Nestorio na nagsasabing si Maria, ay Ina lamang ng taong si Hesus at hindi ng Diyos na si Hesus.  Ipinangalan naman ni Papa Sixto Ikatlo, noong taong apat na raan tatlumpu’t lima (435) ang basilikang ito kay Maria, tanda ng pagkilala sa kanya bilang Ina ng Diyos.  Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita sa araw na ito ayon kay San Mateo kabanata Labin-apat, talata isa hanggang labindalawa.

EBANGHELYO: Mt 14:1-12

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Saan kaya galing ang kanyang karunungan at natatanging kapangyarihan? Hindi ba’t siya ang anak ng karpintero? Hindi ba’t si Maria ang kanyang ina at sina Jose, Jaime, Simon at Judas ang kanyang mga kapatid? Hindi ba’t narito sa piling natin ang kanyang mga kapatid na babae? Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At kaunti lamang ang kanyang ginawang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Mennen Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mga kapatid, mahalaga ang kasabihang “the Truth will set you free.”  Mabuti man o masakit na tanggapin ang katotohanan, isang malaking biyaya ito sa atin.  Sa kaso ni Herodes sa ating Ebanghelyo, hindi niya matanggap ang kanyang kasalanan na isiniwalat ni Juan. Sa katunayan, nais pa niyang ipapatay si Juan, pero natakot siya.  Dahil sa kanyang “denial”, nadagdagan pa ang kanyang pagkakamali nang mas malaking kasalanan, sa kanyang pagsumpa alang-alang sa anak ni Herodias. Nakita natin dito ang “chain reaction” ng isang kasalanan, na kung hindi maitutuwid, tuloy-tuloy ang pagkakamali. Hindi naging malaya si Herodes dahil dito, bagkus naging sakim at nabulag sa katotohanan. Naisakripisyo ang buhay ng iba, dahil sa pagtalikod sa katotohanan. Nawa’y maging saksi tayo ng katotohanan at kabutihan.  

PANALANGIN

Panginoong Diyos, maraming salamat po sa araw-araw na mga biyaya! Ikaw po ang pag-asa ng aming buhay.  Hinihiling po naming maging matatag sa pananalig sa Iyo lalo na sa panahon ng mga pagsubok.  Tulungan mo po kaming makita at maituwid ang aming pagkakamali.  Buksan mo po ang aming isip at puso na sumunod sa gabay ng Espiritu Santo sa aming buhay. Amen.