Daughters of Saint Paul

Agosto 5, 2024 – Lunes ng Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (II) – Paggunita sa Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan ng Mahal na Birheng Maria sa Roma

Ebanghelyo: Mateo 14,13-21

Nang marinig ni Hesus ang pagkamatay ni Juan Bautista, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Hesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na ‘yon, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Hesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso-labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.

Pagninilay:

Sa ating Ebanghelyo ngayon, isang masamang balita ang natanggap ni Hesus: namatay na si Juan Bautista. At ang pagpunta niya sa ilang upang makapag-isa ay nangangahulugan ng kanyang nararamdamang kalungkutan. Ngunit sa kabila nito, hindi naging hadlang ito upang hindi niya mapansin ang pangangailangan ng mga taong sumunod sa kanya at gutom na gutom. Nangibabaw ang awa ni Hesus sa mga taong lubos siyang kailangan. Sa tuwing tayo’y nagkakasala, umiiyak at nalulungkot si Hesus dahil pinuputol natin ang ating relasyon sa kanya. Ngunit sa kabila nito, alam ni Hesus na kailangan natin siya upang tayo’y maligtas. Kaya naman, mangingibabaw ang walang patid na awa niya para sa atin. Ibibigay Niya ang kanyang pagpapatawad na siyang parang pagkaing nagbibigay sa atin ng lakas at panibagong buhay at pag-asa sa piling ng Diyos.

Panalangin:

O Hesus, patawad sa bawat pagkakataong pinaiyak kita dahil sa aking mga kasalanan. Maraming salamat sa walang sawa mong pagbibigay sa akin ng iyong awa at pag-ibig. Amen.