Daughters of Saint Paul

AGOSTO 6, 2018 LUNES SA IKA 18 LINGGO NG TAON Ang Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (Kapistahan)

MARCOS 9: 2-10

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. At nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila at kuminang na putting-puti ang kanyang damit, na walang makapaglalabang simputi niyon sa lupa. At nagpakita sa kanila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at kanyang sinabi: “Panginoon, mabuti at narito tao. Gagawa kami ng tatlong kubol; isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias. Nasindak sila kaya hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. At may ulap na lumilim sa kanila. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, pakinggan ninyo siya.” At biglang-bigla, pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus na kasama nila. At pagbaba nila mula sa bundol, inutusan niya sila na huwag sabihin kaninuman ang nakita nila hanggang makabangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay. Iningatan nila ang bagay na ito sa kanilang sarili pero nagtanungan sila kung ano ang pagbangon mula sa mga patay.

PAGNINILAY:

Dramatiko at nakakatakot ang maging Kristiyano sa ating panahon. Sa Syria libu-libong pamilya ang pinatay o itinaboy sa kanilang bayan dahil sa pananampalataya nila kay Jesus. Sa India, buong barangay at nayon ng mga Kristiyano ang sinusunog. Ganito rin ang nangyayari sa ilang bansa sa Africa. At sa ating pinakamamahal na bayang Pilipinas, walang tigil ang pagpatay sa mahihirap at mahihina, mga inosenteng batang nadadamay sa tokhang. Pati mga paring naglilingkod sa Diyos at sa bayan ay harap-harapang pinapaslang. Inuusig ang mga nagsasalita laban sa korupsyon at katiwalian, hanggang sa maalis sa pwesto at trabaho. Pati nga pangalan ng Makapangyarihang Diyos ay nilalapastangan nang paulit-ulit.  Maaaring nananahimik na lang ang iba dahil sa takot. Ang iba naman ay umiiwas lang daw sa gulo hindi dahil natatakot makilahok, kundi ayaw madamay ang pamilya at mahal sa buhay kung sakaling gumanti ang makapangyarihang pinupuna. Maliban dito, napakaraming problema, sigalot at kahirapan na pilit na nagnanakaw ng ating pag-asa at tinutuya ang ating pananampalataya.  Pinagtitibay ng kapistahan ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoon ang ating kalooban. Pinapaalala niya na nagapi na niya ang kasamaan, kasalanan at kamatayan. Sigurado na tayo sa langit! Narinig nyo ba yon? Sigurado na tayo sa langit! Wala na tayong dapat ikatakot kundi ang mawalay sa kanya. Sinasabi ng Diyos Ama sa atin" "Ito ang aking Anak, ang Minamahal. Pakinggan ninyo siya." Ano ba ang sinabi ni Jesus? Heto, kapanalig, kapitan natin ang kanyang mga salita: "Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo. Pero, huwag kayong mangamba o matakot. Nagapi ko na ang mundo!"