EBANGHELYO: Lk 9:28-36
Isinama ni Jesus sina Pedro, Juan at Jaime at umahon sa bundok para manalangin. At habang siya’y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at puting-puting nagniningning ang kanyang damit. May dalawang lalaki ring nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias. Napakita sila sa kaluwalhatian at pinag-uusapan nila ang paglisan ni Jesus na malapit nang maganap sa Jerusalem. Antok na antok naman si Pedro at ang kanyang mga kasama pero pagkagising nila, nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. Nang papalayo na ang mga iyon kay Jesus, sinabi ni Pedro sa kanya: “Guro, mabuti at narito tayo; gagawa kami ng tatlong kubol, isa sa iyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Nagsasalita pa siya nang may ulap na lumilim sa kanila at natakot sila pagpasok nila sa ulap. At narinig mula sa ulap ang salitang ito: “Ito ang aking Anak, ang Hinirang; pakinggan n’yo siya.” Pagkasalita ng tinig, nag-iisang nakita si Jesus. Nang mga araw na iyon, sinarili nila ito at walang sinabi kaninuman tungkol sa nakita nila.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. Tony Atole ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghleyo. Ang pagbabagong anyo ni Jesus, isang katiyakan na hindi magtatapos ang lahat sa kamatayan. Hindi nagtatapos ang lahat sa krus. Bagkus, ipinakikita ni Hesus sa atin ang isang sulyap sa kaluwalhatiang Kanyang matatamo sa pamamgitan ng Kanyang paghihirap, pagkamatay at Muling pagkabuhay. Ang pagpapakasakit at pagdurusa, bahagi ng kanyang tatahaking landas tungo sa Kanyang Muling Pagkabuhay. At ito ang ang magdadala ng kaligtasan sa sangkatauhan. Sa ating mga nananampalataya, ang pagbabagong anyo ni Jesus, nagpapahayag na mayroong katiyakan ang ating pagsunod sa Kanya. Mayroon pagdurusa, pagpapakasakit, pighati, paghihirap at sa bandang huli, meron kaginhawahang naghihintay sa atin. Na tayo’y makikibahagi sa kaluwalhatiaan ni Jesus. Naala-ala ko si Mang Juan. Nakulong siya sa salang pagpatay. Sa loob ng kulungan dinanas niya ang ibat-ibat pagsubok. Sa kabila ng hirap at dusa na dinanas niya, hindi siya nawalan ng pag-asa na balang araw, makakalaya din siya at muling makapiling ang kanyang pamilya. Dahil sa kanyang pinakitang pagbabago sa loob ng kulungan, nabigyan siya ng pardon. Nakalaya at muling nakasama ang kanyang pamilya. Mga kapatid, ang mga pagsubok na dinaranas natin bahagi lamang ng buhay. Sa bandang huli, meron matatamasang ginhawa at kaluwalhatian kung babatahin natin ang mga ito nang may pananampalataya at pagmamahal kasama ang Panginoong Jesukristo. Amen.
“