EBANGHELYO: Mt 17:1-9
Isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng liwanag. At nagpakita sa kanila sina Moises,Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: “Panginoon, mabuti at narito tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias. Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: “Ito ang Aking Anak, ang Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya.” Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: “Tumayo kayo, huwag matakot.” At pagtingala nila, wala silang nakita liban kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Naalala ko yung isa kong estudyante na nahihirapan sa klase. Lagi ko siyang pinaalalahanan na mahalaga ang pag-aaral, ito ang susi sa magandang kinabukasan. Isang araw nagulat ako dahil sineryoso niya ang kanyang pag-aaral. Sa aking pagtataka, bigla ko na lang nalaman na may iniibig pala siyang babae, top-student pa! kaya naman pala nainspire mag-aral!/ Mga kapatid, ang kapistahan ng pagliliwanag at pagbabagong anyo ni Hesus ay isang pananda sa kanyang mga apostol, na bagamat pagdaraanan niya ang kanyang pagpapakasakit, hindi matatapos ang lahat sa krus, mayroong pagkabuhay! Pero, hindi nila ito lubusang naunawaan. Namangha sila, pero hindi nila ito naintindihan./ Inaanyayahan tayo ngayon ni Hesus na ibaling ang ating paningin sa kanya. Tulad ng aking estudyante, sa buhay pananampalataya natin, yes, it is good to be motivated, but it is best to be inspired! Sana patuloy tayong mamangha sa liwanag ni Hesus. Ang kanyang mga sugat, mga pagdurusa’t kamatayan ay kailanma’y di madadaig ng kanyang maluwalhating pagkabuhay. Buhay ang mananaig kaysa kamatayan, liwanag kaysa dilim. Muli nating tignan ang maluwalhating Hesus at sumamba sa kanya. Amen.