MATEO 14: 22-36
Pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” At sinabi niya: “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” Nang makasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.
PAGNINILAY:
Isa sa highlights ng pilgrimage sa Holy Land ang pagpunta sa Lawa ng Galilea. Nagkasya kaming 58 pilgrims sa isang malaking bangka, at bilang pasimula ng aming paglalakbay ay binasa ang ebanghelyo sa araw na ito. Inanyayahan kaming magnilay at balikan ang mga karanasan ng mga unos, sigalot at mga krus ng buhay. Paano kami naligtas at ano ang ginawa namin? Ibinahagi namin ito sa aming mga kasama sa maliliit na grupo. Hindi nakapagtataka na nakaranas na kaming lahat kung paanong lumubog sa problema at magapi ng takot. At nang halos nalulunod na, ay humingi kami ng saklolo sa Panginoon. Hindi namin alam kung paano pero nakita na lang namin na natapos na ang unos at kaya na naming magpatuloy. Kapanalig, may pinagdadaanan ka bang unos? Masyado na bang malakas ang hangin at lumulubog ka na sa problema? Huwag kang panghihinaan ng loob. Huwag mag-alinlangan! Bagkus, tulad ni Pedro, tumingala ka at sumigaw: "Panginoon, iligtas mo ako!" At makikita mong iuunat ni Jesus ang kanyang kamay at hahawakan ka. Kapit lang, kapanalig!