Daughters of Saint Paul

AGOSTO 7, 2019 MIYERKULES SA IKA-18 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: MATEO 15:21-28

Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw nang sigaw sa likod natin.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa kanya at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!”   Sumagot si Jesus: “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Kaya nagsalita sa kanya si Jesus; “Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.

 

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul.  Ang ina na Kananaita, ituring natin na “Inang Simbahan”, ang anak naman, ang mga kabataan sa Simbahan.  Ninerbiyos ang ina. Takot na takot dahil nasa kapahamakan ang anak niya. Humangos siya kay Jesus, at nakiusap. Nagpakumbaba siya. Tinanggap nya ang “challenge” ni Jesus sa paghahalintulad sa kanya sa isang aso. Anong sagot niya? “Kahit aso nakikinabang din sa grasya ng mumo mula sa amo niya.” Kay lalim ng malasakit ng ina sa anak. Wala sa kanya, kung ano man ang turing sa kanya ng iba. Basta, maligtas lang sa kapahamakan ang kanyang anak. Ito ang “ideal” sa simbahan natin. Ang mga nakaka-angat sa edad at taon-taon nang “gumulang” o nagmature sa pagiging Katoliko. Sila ang inaasahan na magbukas ng malinis at ligtas na landas sa mga bata. Na ang mabuting halimbawa ng nakaka-tanda ang magpapaiwas sa kanila na gumawa ng masama. Ang mapagpakumbaba nating pamumuhay ang mag-aakay sa kanila palayo sa tukso.  

 

PANALANGIN:

Panginoon, marapatin Mo pong maging huwaran ako sa pagdarasal at kabutihang asal ng mga kabataang ipinagkatiwala mo sa akin. Matanto ko nawa lagi na ang pagbibigay ng mabuting halimbawa sa salita at gawa, ang pinakamabisang paraan ng pagtuturo sa kanila tungkol Sa’yo.  Amen.