Daughters of Saint Paul

AGOSTO 7, 2020 – BIYERNES SA IKA-18 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 16:24-28

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Sa pandemyang nararanasan natin ngayon, pakiramdam mo ba pasan mo na ang krus ng buhay? Sa unang tatlong buwan ng lockdown parang pasan na natin ang mundo. Pero nang malapit ng mag apat na buwan na pananatili sa tahanan, at iba’t ibang hindi mabuting balita ang nasasagap natin, parang nadaganan o nabagsakan na tayo ng mundo. Dito sa pagkakataong ito tayo, lalong dapat kumapit sa ating pananampalataya. Isipin natin na sa kabila ng parang pinaglalayo- layo tayo dahil sa social distancing, parang lalo naman  tayong malapit sa isa’t isa. Dahil sa misteryo ng ating pananampalataya, magkakalayo man tayo pisikal, sa panalangin, lalo na sa live stream mass, tayo ay pinaglalapit ng Diyos. Ito sana ang panghawakan natin kung nakakadama tayo ng panghihina na ng loob. Yun para bang, malapit ka ng sumuko, pagod na, hirap na hirap na. Sa ganitong pagkakataon, isipin natin na hindi tayo nag-iisa. May Diyos na patuloy na kumakalinga, hindi natutulog. Pinaniniwalaan ko na hinayahaan ng Diyos na subukan ang mga tapat sa Kanya, upang masukat ang lalim ng pananampalataya. Harinawa, patuloy tayong manalig na hindi tayo susubukin nang higit sa ating kakayahan. Panghawakan natin na walang krus na hindi kayang pasanin sa tulong at awa ng Diyos. Kaya, maaring sa huli ang ating dasal, Panginoon, kayo na po ang bahala.  Amen.