EBANGHELYO: Mt 17:14-20
Lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod sa harap niya at nagsabi: “Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy at kung minsan nama’y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero hindi nila siya napagaling.” Sumagot si Jesus: “Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo! Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling n’yo? Hanggang kailan ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin.” At inutusan ito ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata sa sandaling iyon. Pagkatapos ay nilapitan ng mga alagad si Jesus, at tinanong nang sarilinan: “Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sapagkat kakaunti ang inyong pananampalataya. Kung may pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi n’yo sana sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible para sa inyo.”
PAGNINILAY
Sa ebanghelyong ating narinig, nagsimula nang mangaral ang mga alagad ni Hesus at nakapagpapagaling din sila sa mga may sakit. Bagama’t hindi lahat kaya nilang pagalingin. Katulad ng bata sa Ebanghelyo ngayon. Sa mata ng mga tao, sila’y halos katulad na ni Hesus. Pero sa mata ni Hesus, sila’y kulang pa sa pananampalataya kaya hindi nila napagaling ang batang may epilepsi. Ipinaliwanag ni Hesus ang halaga ng pananampalataya. Kahit ito’y kasing-liit lamang ng butil ng mustasa, pero kung taos-puso, kaya nitong pagalawin ang bundok. Ibig sabihin, kahit anong problema ang dumating sa ating buhay, kaya nating harapin ang mga ito, kung mayroon tayong pananalig sa Diyos. Lalo na sa kalagayan nating ngayon, na bugbog na bugbog na tayo sa mga suliraning dulot ng pandemya. Mga kapatid, higit nating kinakailangan ngayon ang masidhing pananampalataya, na kasa-kasama natin ang Diyos sa lahat ng panahon at pagkakataon sa ating buhay. At hindi Niya tayo susubukin nang higit sa ating makakaya. Kaya lakasan natin ang ating loob! Lumapit tayo sa Panginoon. Idalangin natin na palakasin ang ating pananampalataya sa Kanya, nang manatili tayong nakatayo at umaasa sa gitna ng mga problemang kinakaharap natin ngayong panahon ng pandemya. At hindi pa man ipinagkakaloob ng Panginoon ang ating kahilingan, atin na itong ipagpasalamat sa Kanya. Tunay na walang imposible sa Diyos at walang hangganan ang Kanyang kapangyarihan. Anumang Kanyang sabihin matutupad, kaya patuloy tayong umasa sa Kanyang kagandahang loob. Amen.