Daughters of Saint Paul

Agosto 8, 2016 LUNES Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon Santo Domingo, pari

Minsang maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila : "Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit babangon siya sa ikatlong araw." Kaya lubha silang nalungkot. Nang makapasok na sila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga taga-kolekta sa Templo at tinanong nila siya: "Nagbabayad ba ng buwis ang guro n'yo?" Sumagot siya:" Siyempre." At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus:" "Ano sa palagay mo Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?" Sumagot si Pedro: "Ang iba." At sinabi ni Jesus:" Kung gayon, di-saklaw ang mga anak. Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong mahuli. May pera kang matagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka para sa iyo at sa akin din.

PAGNINILAY

Mga kapatid, bilang tunay na Diyos alam ni Jesus na wala siyang pananagutang magbayad ng buwis; dahil alam Niyang pag-aari ng Diyos ang lahat ng bagay at lugar. Inutusan Niya si Pedro na magbayad ng buwis upang magpakita ng isang halimbawa, na dapat nating ibigay ang mga bagay na nakalaan sa relihiyon, bayan at sinumang nasa kapangyarihan. May mga bagay na nakalaan para sa Diyos. At may mga bagay din naman na sadyang nakalaan sa bayan ayon sa mga batas at panukala nito. Ang pagbabayad ng buwis, isa lamang sa mga bagay na hinihingi ng batas na itinakda ng tao hindi para sa kapakanan ng iilan, kundi para sa mga pangangailangan ng buong sambayanan. Hindi tayo maituturing na matuwid kung naibibigay natin ang nakalaan para sa Diyos, pero hindi naman natin ginagawa ang mga bagay para sa ikabubuti ng bayan na siya rin namang hinahangad ng Diyos. Mga kapatid, ang pagmamahal sa bayan, pagmamahal sa kababayan. At ang pagmamahal sa kababayan na ating kapwa, tanda ng pagmamahal natin sa Diyos. Sa panahong isinusulong natin ang tunay na pagbabago sa ating bansa para sa ikauunlad ng ekonomiya at serbisyo sa mamamayan, makipagtulungan tayo sa mga bagong naluklok na lider ng ating pamahalaan. Magbayad tayo ng tamang buwis. Simulan natin sa ating sarili ang pagbabago nang maganap ang pangmalawakang pagbabagong hinahangad natin sa bayan. Manalangin tayo. Panginoon, marapatin Mo pong manaig sa puso ng bawat Filipino ang katapatan at pagmamalasakit sa aming bayan nang matamo namin ang ganap na pagbabago at kaunlaran na aming inaasam-asam. Amen.