MATEO 15: 21-28
Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon ang nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw nang sigaw sa likod natin.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa kanya at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!” Sumagot si Jesus: Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” Kaya nagsalita sa kanya si Jesus; “Babae, napakalaki ng iyon pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
PAGNINILAY:
Isa paborito kong tauhan sa Bagong Tipan ang babaeng Cananea sa Ebanghelyo ngayon. Itinuturo sa atin ni San Mateo na hindi lang para sa mga Hudyo ang pananampalataya at kaligtasan. Isang modelo ng pananampalataya, kapakumbabaan at pagtitiyaga ang babaeng Cananea. Nagpunta si Jesus sa teritoryo ng mga Hentil, mga taong hindi sumasampalataya sa Diyos. Lumapit sa kanya at humingi ng tulong ang isang babae para sa kanyang anak na may sakit. Noong panahon ni Jesus, hindi siya pwedeng kausapin ng mga Hentil, lalo na kung ikaw ay babae. Tatlong beses na hindi pinansin ni Jesus ang pagsusumamo ng babaeng Cananea, at ininsulto pa siya nang ihalintulad ang kanyang lahi sa mga aso o tuta. Pero hindi niya ininda iyon. Ang mapagpakumbaba at matalinong tugon ng babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo” ang nagganyak kay Jesus upang pagalingin ang kanyang anak. Walang hangganan sa pagpapahayag ng kaharian ng Diyos. Gaya ng pakikipag-usap ni Jesus sa babaeng Cananea, tayong lahat ay tinatawag upang makinig sa iba at dalhin ang Mabuting Balita sa lahat, lalu na sa mga nasa laylayan ng lipunan. Gaano kabukas ang kalooban natin sa mga taong naiiba sa atin? Yaong mga nagtatanong sa ating pananampalataya o nanlalait nito? Yaong mga gumagawa ng mga bagay na hindi natin matanggap? Ano ang tingin natin sa mga dukha, sa mga hampaslupa, sa mga hindi sumasampalataya, sa mga banyaga? Kapanalig, handa ka bang makinig sa kanila nang bukas-puso at bukas-palad?