Daughters of Saint Paul

AGOSTO 9, 2018 HUWEBES SA IKA 18 LINGGO NG TAON Santa Teresa Benedicta dela Cruz, dalaga at martir

MATEO 16:13-23

Pumunta si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad:” Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” Sumagot sila: “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” Sinabi niya sa kanila:’Ngunit sino ako para sa inyo?” At sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sumagot naman si Jesus: “Mapapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng Langit ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.” At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya nga ang Mesiyas.

PAGNINILAY:

Sino ako para sa inyo?” Habang pinagninilayan ko ang ebanghelyo ngayon, naalala ko ang isang patalastas ng isang sabon. Piniringan nila ang mga bata at isa-isa nilang pinalapit sa hanay ng anim na mga babae para kilalanin kung sino sa kanila ang kanyang ina. Napanood ba ninyo ito? Yung ibang bata, hinawakan ang kamay ng mga nanay. Ang iba naman, dahan-dahan nilang kinapa ang mukha at buhok nila. May isang batang inamoy lang niya ang mga babae, samantalang may isang batang ikinuskos ang kanyang ilong sa kanyang nanay. Nakilala nila kung sino sa mga babaeng nakapila ang nanay nila kahit na nakatakip ang kanilang mga mata at hindi sila nagsasalita.  Natatanging ugnayan ang pamagat ng advertisement na ito. At talaga namang may natatanging ugnayan ang bawat ina at ang kanyang anak. Maliban sa panlabas na kaanyuhan, nakikilala natin ang mahal sa atin sa lukso ng dugo, kahit na hindi natin siya nakikita.  Ganito rin ba tayo sa Diyos? Nakikilala ba natin siya at ang kanyang paggalaw? Nakikita ba natin kung paano niya tayo minamahal, inaaruga, pinangangalagaan at ipinag-aadya sa masama sa bawat sandali, araw-araw? Muli niya tayong tinatanong ngayon, gaya ng pagtanong niya sa mga apostol: “Ngunit, sino ako para sa inyo?” Kapanalig, manahimik kang sumandali ngayong araw na ito at suriin mo kung ano ang natatanging ugnayan mo sa Panginoon. Sino si Kristo para sa iyo?