EBANGHELYO: Mt 14:22-33
Matapos pakainin ang mga tao, agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro; “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na inunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kokonti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi:”Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!”
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. (May invitation si Jesus sa atin, sa scenario ni Pedro sa ibabaw ng tubig. First time ito ni Pedro na makita si Jesus na naglalakad sa gitna ng lawa. Kaya sinubukan niya: “Lord, kung ikaw talaga yan, papuntahin mo ako sa kinaroroonan mo.” Sabi naman ni Jesus: Sige, “Halika!” Kaya lang sa super excitement niya at na-overwhelm sa panibagong experience, nagsimula siyang lumubog. Dali-dali namang inabot ni Jesus ang kamay niya.) Mga kapatid, sa panahon ngayon, marami tayong mga new experiences na dulot ng pandemya. Sa larangan ng meeting at teaching online, webinar, sa mga may distansyang ugnayan. Mayroon din na nawalan ng hanapbuhay. May nagdedelikado ang pag-aaaral. Kay daming challenges na kinakaharap natin sa panibagong agos ng buhay na hinahayaan tayo ng Panginoon na lumakad. Dito sa panibagong experiences, suriin natin ang ating kalooban. Gaano tayo ka-aware sa emotional intensity natin? At kung alam natin, hanggang saan ang pagpapaubaya natin sa nararamdaman natin? Paano tayo tumutugon tungo sa magandang kinabukasan? Kung sakali naman na nagsisimula na tayong malunod ngayon, iunat lang natin ang ating kamay, nakaabang si Jesus. Ililigtas Niya tayo! Sa new experiences natin, kahit gaano man ka-challenging, invitation ito sa panibagong Katotohanan, panibagong Daan at panibagong Buhay. Basta focus lang tayo kay Jesus. Makakalakad tayo kasama Niya.