Daughters of Saint Paul

AGOSTO 9, 2023 – MIYERKULES NG IKA-18 SA KARANIWANG PANAHON |  Santa Teresa Benedicta de la Cruz, dalaga at martir

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules mga masugid naming tagasubaybay ng programang ito.  Ika-Siyam ngayon ng Agosto, kapistahan ni Santa Teresa Benedicta ng Krus o Edith Stein, dalaga at martir.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin natin ang katatagan ng pananampalatayang patuloy na umasa sa kabutihang loob ng Diyos.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang tagpo ng pagsumamo ng babaeng Cananea kay Hesus, na pagalingin ang kanyang anak sa Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labinlima, talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t walo. 

EBANGHELYO: Mt 15:21-28

Pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: “Panginoon, anak ni David maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak kong babae.” Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito. “Paalisin mo na siya’t sigaw s’ya nang sigaw sa likod natin.” “Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel ako sinugo.” Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: “Ginoo, tulungan mo ako!”   “Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga amo.” “Babae, napakalaki ng iyon pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais mo.” At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Nina Lorilla ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Meron akong isang karanasan na nagpatibay sa aking pananampalataya sa walang pili at walang hanggang pagmamahal ng Diyos. Minsan, dumalo ako sa isang popular at malaking fiesta ng Sto. Nino sa Cebu.  Kasama ko ang dalawa naming lay mission partners.  Bilang madre, inimbitahan ako na sumali sa lugar na nakalaan sa mga religious sisters at seminarista.  Pero, hindi ko maisasama doon ang dalawang lay mission partners na kasama ko, dahil mahigpit ang organizers.  Kaya hindi na lang ako sumama sa grupo.  Pero sumama talaga ang loob ko, dahil sa mga patakarang umiiral, na nag eechapwera sa mga taong hindi mo kauri.  Hindi bat ito rin ang karanasan ng babaeng taga-Canaan sa ating Mabuting Balita ngayon? Pero, itinuwid ito ng ating Panginoong Hesus, sinira niya ang barriers at pagbabawal, dahil sa pagkakaiba iba ng kultura at lahi. Mga kapatid, nagbibigay sa atin ng assurance ang Mabuting Balita sa araw na ito, na ano man ang estado, kulay o bokasyon natin sa buhay, may lugar tayo sa puso ng Diyos. Nais Niya na maging kaisa tayo sa Kanyang buhay at misyon. Sa mga pagkakataon na ramdam natin ang indifference, favoritism, o marginalization, kumapit tayo sa katotohanang hatid ng ating Mabuting Balita ngayon: bawat isa sa atin ay may puwang sa puso ng Diyos!