Ebanghelyo: MATEO 16,24-28
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito. Ngunit ang naghahangad ng mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang Pakinabang ng tao, tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawawala. Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili. Darating nga ang anak ng tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang banal na Anghel. At doon niya gagantimpalaan ang bawat isa, ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo, na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.
Pagninilay:
Oh ayan ha, kayo na mismo ang nakarinig mula sa Mabuting Balita natin ngayong araw. Ang sabi ni Kristo, kung gusto daw natin maging Kristyano o tagasunod niya, dapat daw muna nating itakwil ang ating sarili, pasanin ang ating krus sa buhay, at saka siya sundan. Pero ano ba ang kahulugan ng pagtatakwil ng sarili? Kailangan ba na talagang ipamigay natin lahat ng meron tayo at mamuhay na pulubi? Hindi naman kailangan umabot sa ganon. Ang kailangang mangyari dito ay bawasan ang laging pag-iisip ng “ako, ako, ako.” “Ako kasi, kailangan ko ng ganito.” “Ako kasi, gusto ko ng ganyan.” Itakwil mo na ang iyong sarili. Huwag mo ng unahin ang pagpunan sa mga luho at hilig mo sa buhay; bagkus, unahin ang kapwa. Ang krus natin sa buhay ay lagi namang para sa kapwa. Gaya na lang na namatay si Hesus sa krus para sa ating lahat, ang krus natin sa buhay ay para rin sa pakinabang ng ibang tao. Kung tayo lang ang makikinabang, hindi iyon ang totoong krus natin. Ito ang hamon ng Mabuting Balita sa atin ngayong araw. Mahirap, pero magawa nawa natin ang pagtigil sa pag-uuna sa “Ako, ako, ako” at magawang unahin “Sila, sila, para sa kanila.”