Daughters of Saint Paul

ABRIL 23, 2022 – SABADO SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

Maligayang araw ng Sabado sa Oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay. Purihin ang mapagmahal nating Diyos sa mga biyaya at pagpapalang patuloy Niyang ipinagkakaloob sa atin. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul. “The appearances” o ang pagpapakita ni Jesus kay Maria at sa mga alagad ang nagpapatunay nang Kanyang  muling Pagkabuhay. Ayon ito kay San Markos kabanata labing-anim, talata siyam hanggang labing-lima.

Ebanghelyo: Marcos 16: 9-15

Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis siya at ibinalita ito sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, nagpakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pero hindi rin sila naniwala sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, nagpakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang Ebanghelyo sa buong sangkinapal.”

Pagninilay:

Umagang-umaga ng araw ng Linggo, matapos na muling mabuhay si Hesus, siya’y unang napakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Hesus sa babaing ito. Pumunta siya sa mga alagad ni Hesus, na noo’y nahahapis at umiiyak, at ibinalita ang kanyang nakita. Ngunit hindi sila naniwala sa sinabi ni Maria na buhay si Hesus at napakita sa kanya.

Siya’y napakita rin sa dalawang alagad na naglalakad patungo sa bukid, ngunit iba ang kanyang kaanyuan. Bumalik sa Jerusalem ang dalawa at ibinalita sa kanilang kasamahan ang nangyari, ngunit sila ma’y hindi pinaniwalaan.

Pagkatapos, napakita siya sa Labing-isa samantalang kumakain ang mga ito. Pinagwikaan niya sila dahil sa hindi nila pananalig sa kanya, at sa katigasan ng ulo, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya’y muling mabuhay. At sinabi ni Hesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo sa lahat ang Mabuting Balita.”