Mt 7:21, 24-27
Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng 'Panginoon! Panginoon!' ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit.
“Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakaririnig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!”
PAGNINILAY
Napapanahon ang panawagan sa atin ng Ebanghelyo. Napakarami sa ating mga Katolikong Kristiyano ang tumatawag sa Diyos ng Panginoon, Panginoon, pero taliwas naman ang buhay sa ating pananampalataya. Masasabing hiwalay ang ating pananampalataya sa ating ginagawa. Nagpapakabanal lamang tayo isang oras sa isang linggo; sa loob lamang ng Simbahan. Pero paglabas sa Simbahan balik tayo sa dating ugali, balik sa dating bisyo at pagsasamantala sa ibang tao. Nandaraya sa timbangan ang ilang negosyante, malupit at mapang-api sa kasambahay ang ilang mga amo; namumuhay ng immoral at nagtataksil sa asawa ang iba; at marami ang namumuhay nang makasarili at walang pakialam sa kapakanan ng kapwa. Mga kapatid, totoong ang pagpapakabanal isang panghabambuhay na gawain. Hindi tayo magiging mabuting tao at Kristiyano sa isang iglap lamang. Sa halip, ito’y patuloy na pagsisikap sa tulong ng Panginoon, na kailangan nating praktisin nang paunti-unti araw-araw. Di ba nga, may kasabihan tayong “practice makes perfect.” Kung sa bawat paggising natin sa umaga, nagdarasal tayo at iniaalay sa Panginoon ang mga gawain natin sa buong maghapon, tiyak na maiaayon natin sa kalooban ng Diyos ang pagtupad ng ating mga tungkulin. Magiging mahinahon din tayo sa pakikitungo sa kapwa, at magiging mapayapa at masayahin tayo sa buong maghapon. Ang isang Kristiyanong tunay na pina-nanahanan ng Diyos – mapayapa, masayahin at hindi nang-iintriga ng kapwa. Sa puntong ito mga kapatid, magandang bigyang-pansin ang sinabi ng isang political leader sa India na si Mahatma Gandhi na “Gusto ko ang Kristiyanismo, pero ayoko sa mga Kristiyano.” Ito’y sa dahilang hindi raw niya nakikita si Kristo sa buhay ng mga taong nagsasabing sila’y Kristiyano. Suriin natin ang sarili kung makikita ba sa paraan ng ating pamumuhay ang buhay na pananatili ni Kristo.