Daughters of Saint Paul

Disyembre 1, 2024 – Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K)

Ebanghelyo: Lucas 21:25-28, 34-36

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan at mga bituin. Sa lupa’y mangangamba ang mga bansa dahil sa ugong at alon ng dagat, at wala silang magagawa. Hihimatayin ang mga tao dahil sa takot at pagkabahala sa mga sasapitin ng sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga puwersa ng sanlibutan. At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may Kapangyarihan at ganap na Luwalhati. Kung magsimula nang maganap ang mga ito, tumindig kayo at tumunghay dahil palapit na ang inyong katubusan. Mag-ingat kayo’t baka bumigat ang inyong mga isip sa mga bisyo, paglalasing at mga intindihin sa buhay. At baka bigla kayong datnan ng araw na iyon. Babagsak itong parang bitag sa lahat ng nasa lupa. Kaya’t lagi kayong magbantay at manalangin para maging marapat na makatakas sa lahat ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao.”

Pagninilay:

Ano nga ba ang pagkakaiba ng pagdududa at pag-aalinlangan? Kalimitang nauugnay sa tao (nagdududa ako sa kanya, sa sarili ko, sa Diyos) ang pagdududa. Ang pag-aalinlangan naman ay kalimitang nauugnay sa pagpili (nag-aalinlagan ako kung ito o kung iyon ang susundin ko, kung siya ang paniniwalaan ko o hindi). Ang pagdududa at pag-aalinlangan ay parehong kaugnay ng salitang NALILITO na narinig natin sa ebanghelyo ngayong unang araw ng adbiyento o paghahanda. Araw din ngayon ng mga Katolikong may karamdaman, kabilang na ang may AIDS. Sabi ni San Lucas malilito at matatakot tayo sa mga palatandaan na makikita natin sa mundo. Sa sandaling iyon darating daw si Hesus na ating Tagapagligtas at dapat tayong maging handa.

Ang pagiging handa ay hindi dapat natutuon lamang sa pagduda o pag-aalinlangan kung ano ang dapat nating piliin o gawin. Kapag ganito ang ating ugali maaring galit o sisihan lamang ang maging tingin natin sa mga di magagandang bagay na nangyayari sa atin. Mas magandang di tayo magduda sa Diyos na kasama nating lagi “sa hirap at ginhawa” sapagkat di niya tayo iiwan kahit anong mangyari. Hindi rin tayo dapag mag-alinlangan sa pagmamahal Niya na naghahangad namang lagi ng ating kabutihan. Manalangin tayo: Patawarin mo kami, Panginoon sa mga sandaling nagduda at nag-alinlangan kami sa dulot mong pagmamahal at pakikiisa sa amin. Nawa’y patuloy naming maipadama ang aming pananalig sa iyo sa aming isip, salita at gawa.  Amen.