Ebanghelyo: Mateo 18,12-14
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit ang mawala ang isa man sa maliliit na ito.”
Pagninilay:
Ramdam ko ang tuwa ng may ari ng tupang naligaw nang masumpungan niya ito at maibalik sa kanyang kawan. Hindi talaga matatawaran ang galak na mararamdaman kung mapananatili mong buo ang iyong kawan. Ganito rin ang naramdaman ko noong nagtuturo pa ako, bago pumasok sa kumbento. Hiniling ko sa Diyos na sana maka-graduate lahat ang 4th year high school advisory class ko noon. Kaso may isang palaging absent sa klase, at kung wala akong gagawin ay talagang maiiwan siya. Tuwing makikita ko ang mga pulang marka at incomplete sa card niya ay pinaalalahanan ko siya na ayusin ang pag-aaral. Lagi ko rin siyang ipinagdarasal na huwag mawalan ng pag-asa. Nalaman ko kasi na may pinagdadaanan siya. Nang malapit nang mag-4th grading period at meron pa ring pulang marka at incomplete sa grades niya, isinama ko na sa aking pagnonovena sa Mother of Perpetual Help ang intensyon ng batang iyon. Kinausap ko siya nang masinsinan, pinaalalahanan ng kahalagahan ng pag-aaral, at ang sakripisyo ng nanay niya. Sa awa ng Diyos, pumasa naman siya sa lahat ng subjects, kahit pasang-awa ang iba. Sobrang saya ko noon, dahil pinagbigyan ako ng Diyos. Ang sarap ng pakiramdam na walang nawala at naiwan sa aking mga estudyante; na lahat sila ay naggraduate ng taong yon.
Kapanalig, lahat tayo ay inaanyayahan na maging mabuting pastol sa bawat isa. Huwag sana nating hayaang may maligaw ng landas sa ating mga kasamahan. Kapag nakikita na nating naliligaw ang isang kasama, hindi naman masama ang makialam at akayin siya pabalik sa tamang landas.
Kapanalig, mas ikatutuwa ng Diyos na maibalik sa kanya ang mga kasama nating naliligaw ng landas. Kung minsan kasi tuluyan nang nalulubog sa kumunoy ng kasalanan o napapariwara ang ating kasama dahil ayaw nating makialam. Hinahamon tayo ng Mabuting Balita ngayon na maging mabuting pastol sa bawat isa, upang higit na marami ang maakay patungo sa buhay ng kabanalan. Mas matutuwa si Jesus kung walang maiiwan kahit isa man sa kanyang mga kawan.