EBANGHELYO: MATEO 11:28-30
Sinabi ni Jesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin n’yo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sino ba sa atin ang hindi napapagod? Kung ang mga tamad nga nakadarama ng pagod sa buhay nila, ang mga masisipag pa kaya? Gaano man kalakas at katibay ang isang tao, tiyak na makadarama sya ng pagod pagkatapos ng isang mabigat na gawain, pisikal o mental man yan. Kaya sa ebanghelyo ngayon, binibigyan tayo ni Jesus ng isang mabisang paraan kung paano natin mapanunumbalik ang ating lakas at sigla. “Magsilapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan at kayo ay aking pagiginhawahin”.Napakagandang paanyaya ito para sa atin. Alam nyo minsan, nagdarasal ako, ilang minuto pa lamang akong nananahimik, inantok na ako. Makalipas ang ilang saglit, idinilat ko ang aking mga mata at sa pakiramdam ko nawala ang pagod ko pati antok. Nakapagdasal ako nang maayos, kahit pagod at puyat. Nagsorry ako siyempre kay Lord, kasi hindi 100% ang ibinigay kong atensyon sa kanya. Pero alam nyo ba mga kapatid, sa halip na kagalitan ako ni Lord, ipinaalala nya sa akin ang bible passage na ito. Tunay nga pala na nasa Diyos lamang ang tunay na kapayapaan at kapahingahan ng ating katawan at kaluluwa. Kailangan lang natin lumapit sa kanya at ialay sa kanya ang lahat na nagpapabigat sa atin. Gumagaan ang ating mga pasananin dahil katuwang natin ang Diyos sa pagpapasan nito. We only need to unite our sufferings with the sufferings of Christ. Ito ang pamatok na binabanggit ni Jesus sa Ebanghelyo. Gaya ng bagahe na hinihila ng dalawang kamelyo, tayo rin, gagaan ang ating mga pasanin kapag hinayaan nating tulungan tayo ng Diyos. Mahal nya tayo at di nya tayo pinababayaan kahit sa mga sandali na pakiramdam natin sobrang bigat na ng ating pasanin. Sabi nga nyan sa kantang Footprints in the Sand, nang tanungin nya kung bakit one set na lamang ng footprints ang nakikita sa oras na grabe syang nahihirapan sa buhay, tugon sa kanya ng Panginoon, “It was there, that I carried you.” Kaya lagi sana tayong manahan sa Panginoon at tiyak kakayanin natin ang lahat gaano man ito kabigat sa tulong Nya. Amen.