Maligayang araw ng Sabado sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento. Dakilain natin ang Panginoon sa banal na panahong ito ng paghahanda sa kanyang pagdating sa ating piling. At ang pinaka mainam na paraan ng paghahanda ay paglalaan ng panahon upang manahimik, magnilay, magdasal at makinig sa tinig ng Espiritu Santo na nangungusap sa ating puso. Sa gitna ng ingay sa ating paligid, sa social media at sa atin mismong kalooban, kailangan nating manahimik upang marinig ang tinig ng Diyos. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata Labimpito talata siyam, at talata sampu hanggang Labintatlo.
EBANGHELYO: Mt 17:9a, 10-13
Tinanong si Jesus ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias.” At sumagot si Jesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila s’ya nakilala at pinakitunguhan nila s’ya ayon sa kanilang kagustuhan. At gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Yolanda Dionisio ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Hindi naunawaan ng mga disipulo ang sinasabi sa kanila ni Hesus na si Elias ay muling babalik. At sa katunayan pumarito na si Elias sa mundo pero di siya nakilala at tinanggihan pa nga siya. Sa katauhan ni Elias inihahanda na niya ang mga disipulo sa kanyang darating na pagpapakasakit at kamatayan. Hindi pa rin nila makita ang pagbabalik ni Elias sa katauhan ni San Juan Bautista.// Mga kapatid, may mga panahon na di natin maunawaan ang sinasabi sa atin ng ating Panginoon. Maaaring lagi tayong abala sa mga bagay na di naman mahalaga o kaya’y magulo ang ating isipan, maraming alalahanin, mga pangangailangan sa buhay araw-araw, may karamdaman at maraming gustong gawin. Ngayong Adbiyento, buksan nawa natin ang ating isip at puso sa sinasabi ni Hesus sa atin. Bigyan natin siya ng lugar sa ating buhay. Siya ang tunay na propeta, ang daan, ang katotohanan at buhay. Sa ngayon, na aligaga ang marami sa darating na eleksyon, nakikinig sa ibat ibang boses at opinion. Di na makilala kung alin ang tama o mali. Panahon na upang tayo’y tumahimik at makinig sa sinasabi ng Holy Spirit sa ating puso at konsiyensya. Makinig tayo sa salita ni Hesus, sa Biblia. Nararapat lamang na ito ang ating sundan at hindi ang mga bulaang propeta na puro pangako at kasinungalingan. Sa katapusan ay wala silang dulot na ginhawa at kaligtasan. Sa ating Panginoong Hesus, na nagdanas ng hirap at kamatayan sa krus, sa kanya natin makakamit ang buhay na ganap at makabuluhan sa kabila ng ating mga problema at paghihirap sa panahong ito. Dumating na ang Panginoon, nasa atin siyang puso, sa ating tahanan, sa ating komunidad, at sa simbahan, tanggapin natin siya at ibigay sa kanya ang lahat ng ating alalahanin.