Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 11, 2023 – LUNES SA IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO

BAGONG UMAGA

Isang Masagana at puno ng pag-asang araw ng Lunes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento.  Purihin ang Diyos nating mapagkalinga at mapagmahal!  Hangad Niyang pagalingin tayo sa ating pisikal at espiritwal na karamdaman, pero kinakailangan din ang lubos nating pagtitiwala sa Kanyang kagandahang loob.  Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Matutunghayan natin ang tagpo ng pagpagaling ng Panginoong Hesus sa isang paralitiko, sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata lima, talata labimpito hanggang dalawampu’t anim.

EBANGHELYO: Lk 5:17-26

Isang araw, nagtuturo si Jesus at nakaupo naman ang mga Pariseo at mga guro ng Batas na galing sa iba’t ibang bayan ng Galilea at Judea at mula sa Jerusalem. Gumagawa ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanya na magpagaling. May mga lalaking dumating na dala sa isang papag ang isang lalaking paralitiko. Sinikap nilang dalhin siya at ilagay sa harapan ni Jesus. Nang hindi nila makita kung paano nila madadala ang paralitiko dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan at sa bubong nila siya idinaan pababa na nasa kanyang papag hanggang sa gitna sa harap ni Jesus. Nang makita niya ang kanilang pananalig, sinabi niya: “Kaibigan, pinatawad ka sa iyong mga kasalanan.” Nagsimula noong mag-isip-isip ang mga guro ng Batas at mga Pariseo: “Talagang iniinsulto ng taong ito ang Diyos. Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” Ngunit alam ni Jesus ang kanilang mga pag-iisip kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatatawad ka sa iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka’t lumakad.’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Sinasabi ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At kapagdaka’y tumayo siya sa harap nila, kinuha ang kanyang higaan at umuwing nagpupuro sa Diyos. Namangha ang lahat at nagpuri sa Diyos. Nasindak nga sila at sinabi: “Nakakita tayo ng mga kagili-gilalas na bagay sa araw na ito!”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Gemmaria dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  May pinagdaraanan ka ba ngayon, na sumusuko na ang iyong lakas at pag-asa? Gaano kabigat ang iyong problema, na hindi ka na makalakad dahil give up ka na? Ilang biyaya ang pinalampas mo, dahil ayaw mo nang mag-effort? Ang lahat ng uri ng pagsurrender, matatawag natin itong pagkalumpo ng ating kalooban. Kaya kinakabog mo na ang dibdib mo sa pagiging hindi productive. You feel frozen. Ayaw mo nang bumangon. Ang feeling mo, hindi ka na makagalaw dahil laging nagre-replay sa isip mo ang iyong mga failures, ang mga frustrations. Kapatid, sintomas ito ng kawalan ng gana ng ating kalooban. Adbiyento na! Salubungin natin ang nakakahilom na presensya ng Sanggol na Mesiyas. Panahon ngayon ng paglaya ng ating kalooban. Season din ng matibay na pagpapasya, na laging pipiliin ang tumindig at lumakad sa diwa ng Diyos na sanggol.