Ebanghelyo: Mateo 11,28-30
Sinabi ni Hesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay:
Deserve mo ring magpahinga. Tuwing nasasabi ko ‘yan sa kakilala, kaibigan, o sa mga talk at recollection ng kabataan—maraming nakakarelate. Pagod na ang tao sa tinatawag na fast-paced living, mabilisan, instant lahat ng bagay. Mas mabilis, mas okay. Kaya nga’t sa kakahabol natin sa mga gawain, sa mga tatapusin, sa mga intindihin, ngayong araw, habang busy tayo sa holidays, magandang pagnilayan ang mga salita ni Hesus sa ebanghelyo—magpahinga ka! Hinihikayat tayo ng ating Panginoong Hesus na magpahinga sa piling niya, lumapit at magpahinga kasama niya.
Ang magpahinga kasama ni Hesus ay hindi nangangahulugang “relaxation” o “stay–cation.” Ang magpahinga kasama ni Hesus ay ang pagtugon sa kanyang imbitasyon sa mas malalim pang relasyon at pakikipagkaibigan sa kanya. Kaya nga po ginamit niya ang imahe/larawan ng “pamatok”—ito’y kahoy na inilalagay sa batok ng kalabaw o baka upang makahila ng mga gamit. Pero ang pamatok na inaalok ni Hesus ay magkakabit, dalawa. Ibig sabihin, sabay natin—kasama niya—papasanin ang unos at ligaya ng buhay. Kaya nga di ba, kahit malayo ang lalakarin, mahaba ang lalakbayin, nakakapagod, pero kapag may masayang samahan nagiging maikli ang oras, light ang feeling. Gayundin kay Hesus, magiging madali ang lahat kung masaya, malalim, at tunay ang ating pakikipagkaibigan sa kanya.
Mga kapanalig, ngayong napaka-busy natin dahil sa kapaskuhan—sana maisip nating magpahinga kasama ni Hesus, kapiling si Hesus. Kung magagawa natin ito tiyak na mas magiging makabuluhan ang ating kapaskuhan.
Kaya naman, deserve mo ring magpahinga, kasama si Jesus! Amen.