EBANGHELYO: Lk 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginagalaw ng lalaki?” “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese ng Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo. Ipinagdiriwang natin ngayon ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe. Ginugunita natin ang pagpapakita ng Mahal na Ina kay San Juan Diego sa Guadalupe Mexico halos limang daang taon na ang nakararaan.// Sa ating Ebanghelyo ngayon, muli nating napakinggan ang tagpo ng pagpapakita ng Anghel ng Panginoon kay Maria. Ipinahayag nito ang mabuting balita kay Maria: pinili ka ng Diyos upang maging ina ng kanyang bugtong na Anak. Nagulumihanan si Maria sa balita ng Anghel. Pero, pinapanatag ng Anghel ang natakot niyang puso. “Huwag kang mangamba…” ang sabi ng Anghel kay Maria. At sa kapanatagan ng kanyang puso, nagawang tumugon ni Maria ng “Opo!”. “Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo”.// (Kapatid, madalas, hindi tayo makatugon sa tawag ng Diyos dahil sa takot. Pinipigilan tayo ng ating mga pangamba na tumupad sa kanyang kalooban. Tulad ni Maria, isuko natin sa Diyos ang lahat at tayo ay magtiwala.// Ito rin ang naging paalala ni Maria kay Juan Diego sa Guadalupe noon. “Huwag kang mangamba. Huwag matakot sa sakit, o anumang iba pang karamdaman o paghihirap. Hindi ba’t narito ako, ang iyong Ina? Hindi ba’t nasa ilalim ka ng aking pangangalaga? Hindi ba ako ang iyong kalusugan? Hindi ka ba masaya sa aking kulungan?”) Mga kapatid, ito rin ang paalala sa atin ng ating Inang Maria ngayon, tulad ng sinabi sa kanya ng Anghel at tulad ng sinabi niya kay Juan Diego, huwag tayong matakot sumunod sa kalooban ng Diyos.