Maligayang pagdiriwang ng Gaudete Sunday, sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento. Sa pagsindi natin ng ikatlong kandilang kulay rosas, pinapaalala sa atin nito na ang SAYA o galak, ang pinakarurok ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Sa kabila ng pinagdadaanang pandemya, hindi maalis sa atin ang magalak at maghintay nang may pananabik sa pagdating ng ating Panginoon, ngayong Pasko. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul! Para maging ganap ang ginagawa nating paghahanda sa darating na Pasko, pakinggan na natin ang panawagan ni Juan Bautista, sa Mabuting Balita mula kay San Lukas kabanata tatlo, talata sampu hangang labinwalo.
EBANGHELYO: Lk 3:10-18
Tinatanong si Juan ng maraming tao: “Ano ngayon ang aming gagawin?” “Ang may dalawang balabal ay magbigay sa taong wala, at gayon din ang gawin ng may pagkain.” Pinuntahan siya pati na ang mga maniningil ng buwis para magpabinyag at sinabi sa kanya: “Guro, ano ang aming gagawin?” “Huwag kayong maningil ng higit sa ipinag-uutos sa inyo.” Nagtanong din sa kanya ang mga sundalo: “Ano naman ang gagawin namin?” “Huwag kayong mangikil o magparatang nang di totoo kanino man; masiyahan na kayo sa inyong suweldo.” Nananabik noon ang mga tao at nag-isip-isip ang lahat kung hindi nga kaya si Juan ang Mesiyas. At sumagot si Juan sa pagsasabi sa kanilang lahat: “Nagbibinyag ako sa inyo sa tubig pero dumarating na ang isang mas makapangyarihan sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Sa Espiritu Santo at apoy niya kayo bibinyagan. Siya ang nakahandang magtahip sa inyo ng butil ng trigo. Iipunin niya ang lahat ng butil sa kanyang kamalig pero susunugin ang mga ipa sa apoy na walang hanggan.” Sa pamamagitan nito at sa iba pang pangangaral nagturo si Juan sa bayan.
PAGNINILAY
Mga kapatid, ang mga katanungan ng mga tao sa Ebanghelyong ating narinig, ay dapat din nating maging katanungan ngayon. Ano ba ang mga dapat nating gawin para maging karapatdapat sa pagdating ng Panginoon? Simple at makatotohanan ang naging tugon sa kanila ni Juan Bautista. “Ang may dalawang balabal, magbigay sa taong wala, gayon din ang gawin ng may pagkain; huwag maningil ng labis; huwag mangotong at magparatang ng di totoo; huwag magpakalat ng fake news; at makuntento sa inyong suweldo. Ang mga nabanggit na mungkahi ay pawang pagpapakita ng tunay malasakit at pagmamahal sa kapwa. Paanyaya rin ito na mamuhay tayo ng tapat at matuwid. Kaya binigyan niya tayo ng mga praktikal na pamamaraan kung paano maisasabuhay ang pag-ibig sa kapwa. Mga kapatid, nagpapatuloy na hamon sa atin na makuntento at maging mapagpasalamat sa mga biyayang patuloy na pinagkakaloob ng Diyos sa atin. Dapat maging mahinahon tayo sa ating mga inaasam at pangangailangan; huwag mag-iipon ng mga bagay na hindi naman talaga natin kailangan. At kung may katungkulan man tayong ginagampanan sa lipunan, huwag natin itong aabusuhin, huwag tayong padadala sa sistema ng korupsyon, huwag mandadaya at mag-abuso sa pagtrato sa kapwa.