BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento. Ikalabindalawa ngayon ng Disyembre, ginugunita natin ang Mahal na Birhen ng Guadalupe, Makalangit ng Patrona ng Pilipinas. Ang mapaghimalang imahen ni Maria sa tilma ni San Juan Diego ay nagdadalang tao, tanda at paanyaya, na muling pagnilayan ang paghirang ng Diyos kay Maria, para maganap ang pagkakatawang tao ng Anak. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata isa, talata dalawampu’t anim hanggang tatlumpu’t walo.
EBANGHELYO: Lk 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambayanan ni David; at Maria naman ang ngalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumaiyo ang Panginoon. Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil maganda ang niloloob sa Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglihi ka at manganak ang isang lalaki at pangangalanganan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibigay sa kanya ng panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.”
Sinabi ni Maria sa anghel: “ Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginalaw ng lalaki?” at sumagot sa kanya ang angel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kanyang kapangyarihan ng kataas-taasan kaya maging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayong ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kangyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.”
Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Oliver Vergel Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang plano ng Diyos ay ang maibalik muli tayo sa Kanya. Ginagawa niya ang lahat ng paraan, para makausap tayo sa panalangin at sa lahat ng biyayang araw-araw Niyang ibinibigay sa atin. Ang problema, madalas tayong nawawalan ng oras para sa Kanya. Ipinakita ni Maria sa atin kung paano ang tamang disposisyon upang mapakinggan natin ang Diyos. Sa ating Ebanghelyo, nang biglaang magpakita ang anghel at ibinalita sa kanya ang kalooban ng Diyos, nanahimik siya, at inisip niyang mabuti ang kahulugan ng sinabi ng anghel. Mga Kapatid, huwag nawa nating makalimutang pahalagahan ang katahimikan. Sa gitna ng ating mga gawain sa trabaho o sa pag-aaral araw-araw, matutunan nawa nating hanapin ang Diyos sa katahimikan. Ang katahimika’y lenggwahe din Diyos. Sa katahimikan, nangungusap ang Diyos sa atin. Sa katamikan, binibigyan natin ng pagkakataon ang Diyos na magsalita, at binibigyan natin ang ating sarili ng pagkakataong, mapakinggan siya nang buong puso.
PANALANGIN
Panginoon, dalhin Mo ako sa katahimikan. Pawiin mo ang gulo sa aking isip at pangamba sa aking puso, nang madama at mapakinggan kita. Amen.