Ebanghelyo: LUCAS 1,26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus . Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.
Pagninilay:
Kapanalig, kung magpapakita sa iyo ang Mahal na Birhen ngayon at utusan ka niyang pumunta sa isang lugar, susunod ka ba? Alam mo bang iniwasan siya ni Juan Diego ng Tepeyac, Mexico? Humihingi kasi ang Obispo ng tanda na si Santa Maria nga ang nagpakita kay Juan. Pero dahil nagkasakit nang malubha ang minamahal niyang tiyuhin, sinubukan niyang iwasan ang Mahal na Birhen para itawag ng pari ang kanyang tiyo. Umiba siya ng daan, pero hinanap siya at natagpuan siya ng Mahal na Birhen na nagsabi: “Makinig ka at unawain, aking pinaka-abang bunso. Wala kang dapat ikatakot at ikabalisa. Huwag mong hayaang mabagabag ang iyong puso ng anuman. Hindi ba ako, ang iyong Ina, na naririto? Wala ka ba sa ilalim ng proteksyon ko? Wala ka ba sa pangangalaga ko? May kailangan ka pa ba?”
Tiniyak ng Mahal na Ina na gagaling ang kanyang tiyuhin at binigyan siya ng mga rosas para dalhin sa Obispo. Pagdating niya sa Obispo, ay ibinigay ang mga rosas, napaluhod ang Obispo dahil naiwan sa tilma ang imahen ng Mahal na Birheng Maria na kamukha ng mga katutubo sa Mexico at nakadamit na parang prinsesa.
Kapanalig, di ba minsan, gusto rin nating umiwas sa Diyos, dahil napagod na tayong magdasal na wala namang nangyayari? O kaya naman, dahil sa dami ng problema at sunud-sunod na bagyo ng buhay? Muli tayong pinaaalalahan ng ating Mahal na Birhen ng Guadalupe: “Huwag kang matakot. Hindi ba ako naririto na iyong Ina? Wala ka ba sa pangangalaga ko?” Lumapit tayo sa kanya at huwag tayong manghinawa, bagkus ay patuloy na umasa sa kanyang pagkandili at pagkalinga. Dahil siya ang ating Ina.
At tulad niya, maari mo bang ipahayag ang kadakilaan ng Panginoon nang may kagalakan? Sino ang pwede mong paglingkuran nang bukas-loob sa araw na ito?
Mahal na Birhen ng Guadalupe, ipanalangin mo kami. Amen.