Daughters of Saint Paul

Disyembre 13, 2017 Miyerkules sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento

MATEO 11:28-30

Sinabi ni Jesus. “Lumapit sa akin, lahat kayong nahirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin n’yo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

PAGNINILAY

Mga kapanalig, iba’t-ibang mga kahirapan o suliranin ang ating kinakaharap sa ating pang-araw araw na buhay.  Madalas nagiging dahilan ito ng matinding pag-aalala o ang tinatawag nating stress. Totoo marami sa atin ang nagiging stressful ang buhay dahil hinahayaan natin ang problema ang magkontrol sa atin, sa halip na tayo ang magkontrol sa problema.  Ang pamumuhay ng ganito, nagiging sanhi ng ating kawalan ng pag-asa at pagkakasakit.  Hindi lang tayo ang magkakasakit, pati na ang mga tao sa ating paligid na napagbubuntunan ng ating galit at stressful na buhay.  Masasabing hindi maka-Kristiyano ang mag-asal nang ganito.  Tanda ito ng kawalan ng pananampalataya sa kagandahang-loob ng Diyos.  Kahit paminsan mag-asal tayo ng ganito, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Diyos sa atin na may kakayahan tayong magbago.  Kaya nga, pinaaalalahanan tayo ng Panginoon ngayon, na “lumapit sa Kanya tayong lahat ng mga nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin Niya tayo.”  Tunay na sa Kanya lamang natin matatagpuan ang kapahingahan. Sa kabila ng samu’t saring mga alalahahanin, nariyan pa rin ang pag-asang matatagpuan natin kung mananatili lamang tayo sa pag-ibig ng Diyos.   Nalalaman Niya ang mga suliraning ating dinaranas at nakahanda Siyang tumulong sa atin sa paraan at panahong Kanyang itinakda. Iba’t-ibang mga pamatok man ang pinapasan natin sa kasalukuyan, makakaasa tayong mapagtatagumpayan natin ito sa tulong at habag ng ating Diyos. Mga kapanalig, magtiwala tayo na hinding-hindi tayo susubukin ng Diyos nang higit sa ating makakaya.  Bagkus, sa bawat pagsubok na hinahayaan Niyang maranasan natin, may kaakibat itong biyaya para malampasan natin ito.  Kung matututo sana tayong tanggapin ang mga pagsubok bilang pakikiisa natin sa dinanas na pasakit ng Panginoon alang-alang sa pag-ibig sa atin, siguro mas magiging magaan at makabuluhan ang pagtanggap natin ng mga pagsubok sa buhay at hindi na ito magiging dahilan ng ating stress.  Dalawin natin ang Panginoon sa mga tabernakulo ng bawat simbahan at nakakasiguro tayo ng isang buhay na ganap at tunay na kapahingahan. Sabi nga ng mga katagang hango sa Bibliya na laman ng bawat kapilyang Paolino, “Fear not, be sorry for sins, from here, I will enlighten.” Panginoon, pawiin Mo po sa’kin ang takot, pagod at kawalan ng pag-asa at tulungang lumapit Sa’yo.  Amen.