EBANGHELYO: Mt 11:16-19
Sinabi ni Jesus sa mga tao:” Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila:
‘ Tinugtog namin ang plauta para sa inyo ngunit ayaw n’yong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’ Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, magaling ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
PAGNINILAY:
Isinulat ng aming madre na si Sr. Edith Ledda ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Nakapagmisyon ako sa aming branch house sa Papua New Guinea noong 2005. Dalawang araw pa lang po akong nakarating doon, natutukan na ako sa mukha ng handmade gun ng magnanakaw. Papalabas na kami sa National Museum noong sumabay sa paglabas ng pintuan ang magnanakaw at tinutukan sa batok ang kasama naming RVM sister. Napatingin ako sa magnanakaw habang tinutukan ang kasama naming madre. Sa gulat ko, biglang inilipat sa tapat ng ilong ko ang handmade gun. Hindi ako nakaimik! At pakiramdam ko namanhid ang buo kong katawan. Sa aking isip nagdasal ako, “Mama Mary, Mama Mary, please! Huwag Paputukin!” Lalo po akong natakot dahil may kasunod pang lalaking magnanakaw na may dalang malaking itak at iwinasiwas ng nakataas ang itak! Bigla akong napapikit na lang at nasabi ko sa isip ko“ Ayyy, Mama, hawakan mong mabuti ang itak at baka matigpas ang leeg ko!” Ang kasama naming pari at deakono na limang metro ang layo, nakatingin lang sa amin habang papalayo na ang mga magnanakaw. Sumama ang loob ko at sinabi ko sa dalawa “Anong nangyari sa inyo, bakit nakatingin lang kayo? Hindi nyo man lang kami pinagtanggol”. Ang sabi ng pari, “Sister, mas naging ligtas kayo sa hindi namin pagkilos, dahil kung kumilos kami ng masama, ipuputok nya ang baril na nasa ilong mo”. Mgakapatid,tunay na mahalaga sa mga nagmimisyon ang pagkilala sa kultura ng ibang bansa. Sa Ebanghelyo ngayon, narasan ni Juan ang hindi pagka-unawa sa kanyang misyon at sinabihan pang inaalihan siya ng demonyo. Marami tayong mga kapatid na misyonero at misyonera, isama natin sila sa ating panalangin na malayo sa kapahamakan at maging matatag sa kanilang gawaing magpalaganap ng salita ng Diyos. Amen.