Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 13, 2020 – IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO (B)

EBANGHELYO: Jn 1:6-8, 19-28

May taong sinugo ang Diyos—Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para magpatotoo, para magpatotoo tungkol sa liwanag, upang maniwala ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi iyon ang liwanag, kundi patotoo tungkol sa liwanag. Ito ang pagpapatotoo ni Juan, nang suguin sa kanya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang ilang mga pari at mga Levita para tanungin siya: “Sino ka ba?” Sinabi niya ang katotohanan at di ipinagkaila; kanya ngang sinabi: “Hindi ako ang Kristo.” “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” “Hindi.” “Ang Propeta ka ba? “Hindi.” “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” “Ako ang ‘tinig na sumisigaw sa ilang, “tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon.”’” “At bakit ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?”  “Sa tubig lang ako nagbibinyag, ngunit kasama naman ninyo siyang nakatayo na hindi pa ninyo nakikilala. Dumating siya na kasunod ko ngunit hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kanyang panyapak.” Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.   

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Ariel Garcia ng Diocese ng Tagum ang pagninilay sa Ebanghelyo.  (Sa ating paghahanda sa ikalawang pagdating ng ating Panginoon, pinapa-alalahanan tayo ng ebanghelyo na talasan natin ang ating pakikinig sa maraming boses dito sa mundo. May boses na nang-aakit na pairalin natin ang ating maka-sariling pangangailangan, na wala nang pagpapahalaga sa mas higit na nangangailangan. May boses na nagpapahalaga lamang ng pansariling kayabangan, pagpapahalaga sa kanilang mga ari-arian, pagpapahalaga sa kasinungalingan.) Marami na po sa atin ang suot ang anyo ng pagpapanggap dahil ang boses ng takot sa katotohanan ang ating pinakikinggan.)  Anong uri ng boses ang ating naririnig mula kay San Juan? Ito ay isang boses na nanggagaling sa katahimikan ng kanyang kaluluwa, kabaliktaran sa nakakabinging boses na ating naririnig sa maingay na mundo.  Isang boses na nagpapaalala, sa tunay nating pagkatao sa harapan ng Diyos… na tayo ay mga nilalang lamang ng Diyos. Isang boses na tumutugon sa tawag ng Diyos, na maging mapakumbaba, sa pagkilala ng misyon na binigay Niya sa atin. Isang boses na nananawagan na maghanda sa pagdating ng Panginoon. Isang boses na nananawagan na magsisi at magbago ng buhay.// Kapatid, ang Ikatlong Linggo ng Adbiyento ay Linggo din ng Kagalakan. Naway makilala natin ang presensiya ni Jesus sa ating kapwa tao at sa mga pangyayari sa ating kapaligiran, sa bansa at sa buong mundo. Naway bukas din ang ating puso na makinig sa tinig ng Diyos, lalung-lalo na sa krisis na dulot ng pandemya. Amen.