Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 13, 2021 – LUNES SA IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO | Santa Lucia, dalaga at martir (Paggunita)

Isang mabiyayang araw ng Lunes sa Ikatlong Linggo ng Adbiyento.  Ikalabintatlo ngayon ng Disyembre, ginugunita natin si Santa Lucia, dalaga at martir.  Nag-alay siya ng buhay alang-alang sa pananampalataya.  Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating pag-ibayuhin pa ang espiritwal nating paghahanda sa pagdating ng Panginoon.  Ako si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang pagtatanong ng mga punong saserdote at matatanda ng bayan kay Hesus, kung ano ang kanyang karapatang gawin ang kanyang ginagawa, sa Mabuting Balita mula kay San Mateo kabanata Dalawampu’t isa, talata dalawampu’t tatlo hanggang dalawampu’t pito.  

EBANGHELYO: Mt 21:23-27

Pagpasok ni Jesus sa Templo, lumapit sa kanya ang mga Punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?” Sinagot sila ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pagbibinyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala ka kanya?’ At kung sasabihin naman nating galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan, dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila’y tunay na propeta si Juan.” Kaya sinabi nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kapangyarihan: inaasam ng karamihan. Obvious ito ngayon sa ating lipunan lalo na’t nalalapit na ang eleksiyon. Para saan nga ba ang awtoridad, posisyon o kapangyarihan kapag ito’y natamo na ninuman?  Para sa pansariling kapakanan lang ba o para sa pangkalahatang kabutihan?   Sa Mabuting Balita ngayon, sinita si Hesus at kinuwestiyon ng mga pinunong pari at matatandang Hudyo ukol sa Kanyang mga turo at gawa. Nais nilang alamin kung sino ang nagbigay sa Kanya ng kapangyarihan na gawin ang mga ito. Pero sinagot sila ni Hesus ng isa ding tanong na nagtulak sa kanilang tingnan ang katotohanan ukol sa kanilang sarili. Matapos nilang matanto napuno sila ng takot at kawalan ng katiyakan, sumagot sila: “Hindi namin alam.” Mga kapatid, tayo ba, alam ba natin kung ano talaga ang tunay na diwa ng kapangyarihan? Para sa ating Panginoon, ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa Kanya ng Ama ay may kalakip na pananagutan. Nasa puso nito ang pag-ibig at sakripisyo para sa iba. Ipanalangin natin ang bawat kandidato sa darating na halalan. Nawa’y maging tugma ang kanilang paniniwala’t intensiyon sa tunay na diwa ng kapangyarihang itinuro at pinakita ni Hesus. Hayaan nating ang Panginoon mismo ang magsilbing liwanag at gabay sa ating pananaw ukol sa kapangyarihan na tanging Siya lamang ang pinagmumulan.