Daughters of Saint Paul

DISYEMBRE 13, 2023 – MIYERKULES SA IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO  | Santa Lucia, dalaga at martir

BAGONG UMAGA

Mapayapang araw ng Miyerkules sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento.  Kumusta po kayo?  Kumusta ang ginagawa ninyong paghahanda espiritwal ngayong panahong ng Adbiyento?  Nawa’y nakapaglalaan kayo ng sapat ng panahon sa pagdarasal, at pagsusuri ng sarili, kung namumuhay kayo ayon sa kalooban ng Diyos.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  May pinagdaraanan ka ba  ngayon na sobrang nagpapahirap sa’yong kalooban?  May paanyaya sa’yo ang Panginoon ngayon.  Pakinggan natin ito ayon kay San Mateo kabanata Labing-isa, talata dalawampu’t walo hanggang tatlumpu.

EBANGHELYO: Mt 11:28-30

Sinabi ni Jesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin n’yo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Sa buhay ko ngayon, napansin ko na padami ng padami ang mga alalahanin ko sa araw-araw. Minsan nga, napapanaginipan ko pa ang mga dapat kong gawin. Sa tingin ko din, walang thrill ang buhay kapag walang inaalala. Nasanay na yata akong may mga alalahanin, as if lahat, kaya kong gawin. Nakakapagod! Minsan may nakita akong cute na post sa FB, larawan ng isang baby – na mahimbing ang tulog. Ang caption, “Give your worries to God and go to sleep!” Napangiti ako, sabay sabi, “Aba, si Lord, ginamit pa talaga ang FB para paalalahanan ako.” Mga kapatid, alam ng Panginoon ang pinagdaraanan ng bawat isa sa atin, at gagawin Niya ang lahat, upang makapag-connect sa atin. Marahil, yung iba sa inyo makaka-relate, kapag sinabi kong pati ang social media, ginagamit din ng Panginoon upang ipaalala sa iyo na nariyan Siyang lagi handang umalalay, handang makinig sa mga kwento mo. Ngayong panahon ng Adbiyento, ano ba ang pinagkakaabalahan mo? Ano ba ang inaalala mo? Wari mo ba’y hindi yun alam ng Panginoon? Magtiwala! Ipaubaya sa Kanya anuman ang bumabagabag sa iyo ngayon. Ikwento mo sa Kanya, anuman ang mabigat sa puso mo, mga kinatatakutan mo, mga suliranin mo.  Sinabi ni Hesus, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan.” Wag nang magdalawang isip, kapatid, lumapit tayo sa Kanya, hindi bukas o makalawa, ngayon na! Siya ang sagot sa lahat ng ating mga tanong, Siya ang kahulugan ng ating pag-iral, lahat ng ating pagpupunyagi walang saysay, kung si Hesus ay wala sa ating buhay. Siya ay “maamo at may mababang loob,” sa Kanya lamang tayo “makakatagpo ng tunay na kapahingahan.”