Daughters of Saint Paul

Disyembre 13, 2024 – Biyernes | Paggunita kay Santa Lucia, dalaga at martir

Ebanghelyo: Mt 11:16-19a

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo ngunit ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’ Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiiom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, magaling ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”

Pagninilay:

Malalim ang hugot ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon, “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito?” Ramdam ang wari’y pagkadismaya niya sa kakaibang pagtanggap at pagtugon ng mga tao noon sa pagkilos ng Diyos. Sa kanyang pagtuturo gumagamit si Jesus ng mga pangkaraniwang larawan katulad ng mga batang naglalaro. Buháy ang Salita ng Diyos. Angkop din ang pagkadismaya ni Jesus sa henerasyon ngayon.

May ilang kontrobersiyal na usaping nagdudulot ng pagkalito sa karamihan. Halimbawa na lamang ang kabanalan ng sakramento ng kasal at ang pagpapahalaga sa buhay kahit ito’y fetus pa lamang sa sinapupunan ng kanyang nanay. Patuloy ang pagtuturo ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Marami ang tumutuligsa sa mga obispo, kaparian, mga madre at maging sa Santo Papa, at sa mga laykong nagsisikap na bigyang-linaw ang mga usaping ito ayon sa aral ni Jesus. Sinasabi ng iba na magdasal na lamang sila at huwag nang makialam sa mga bagay na hindi naman sila apektado. Aba, apektado po tayong lahat na bumubuo ng Simbahan. Sapagkat layunin natin, bilang katawan ni Kristo, ang akayin ang lahat na manumbalik sa Diyos.

Hindi po nagkukulang ang Panginoon. Ngayong Panahon ng Adbiyento inaanyayahan tayong pagsikapang lumago sa ating pagiging bukás sa maraming paraan ng pagdating ng Panginoon sa ating buhay, lalung-lalo na sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Sa ating panalanging, ‘Halina, Jesus,’ hindi natin kailangang tukuyin ang partikular na paraan nang paglapit sa atin ng Panginoon. Inaanyayahan natin siyang dumating sa anumang paraan ayon sa kanyang kalooban upang tayo’y baguhin. Ang mahalaga ay maging sensitibo tayo sa pagkilos ng Panginoon, at buong panananalig na tumugon sa kanyang maraming pagdating sa ating buhay. Nawa’y hindi siya madismaya sa uri ng ating pagtanggap, pagtugon at pagsasabuhay ng Kanyang Salita.